Patay ang isang lalaki nitong Linggo ng madaling araw matapos siyang masagasaan ng isang tanker truck sa EDSA-Cubao sa Quezon City.

Nangyari ang insidente sa may northbound EDSA-Cubao tunnel, ayon sa ulat ni Olan Bola sa Super Radyo dzBB.

Ayon sa driver ng tanker truck, nagulat na lang siya nang mahulog ang lalaki sa harapan ng kanyang sasakyan.

Hindi na nakapagpreno ang driver, dahilan para mabangga ang lalaki. Dead on the spot ito.

Medyo may edad na raw ang biktima, ayon sa driver ng truck.

Galing daw sa taas ang biktima at nalaglag sa kanyang harapan, dagdag niya.

Hindi pa matiyak kung hinulog o tumalon o tinulak ang biktima.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente.

Samantala, bahagyang bumagal ang daloy ng trapik sa lugar dahil sa insidente. —KG, GMA Integrated News