Nahuli-cam ang lakas ng bagyong si "Kristine" nang tila hangayin ng hangin na may kasamang ulan ang dalawang naglalakad na nadulas sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video footage ang dalawang tao na sinuong ang malakas na hangin at ulan sa Cubao, Quezon City.
Maya-maya pa, magkasunod na silang nadulas at tila tinangay ng hangin hanggang sa mawala na sa kuha ng CCTV camera.
Samantala, nilipad naman ng malakas na hangin ang mga yero sa isang mall sa Laguna.
Sa bayan ng Biñan sa Laguna, gumamit ng lubid ang mga rescuer para mailigtas ang mga residente sa Barangay Casile at Barangay San Antonio na naipit sa baha.
Nahuli-cam naman sa Cordillera Administrative Region ang landslide na nangyari sa Lubuagan, Kalinga dahil pa rin sa epekto ng bagyo.
Nagkaroon din ng mga bahagyang pagguho ng lupa sa Baguio City na kaagad nilinis ng mga awtoridad.
Sa Barangay Almacen sa Hermosa, Bataan, lumubog sa baha ang mga kalsada.
Naranasan din ang lakas ni Kristine sa Batangas at Cavite, na nagpalibog sa baha sa maraming lugar, at nagdulot din ng landslide.
Ayon sa Office of Civil Defense, na sa 46 katao ang nasawi sa hagupit ng bagyo.
Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Kristine, pero may paparating na panibagong bagyo na papangalan namang Leon, na inaasahang papasok sa PAR ngayong weekend. —FRJ, GMA Integrated News