Bukod sa pagpatay kay Tanauan, Batangas mayor Antonio Halili, idinadawit na rin ngayon si Police Captain Kenneth Albotra, sa pagbaril at pagpatay kay Los Baños, Laguna mayor Caesar Perez. Ang pulis, itinanggi ang alegasyon.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Quad Committee nitong Martes tungkol sa patayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte, humarap sa mga kongresista si Norvin Tamisin, dating konsehal sa Los Baños, na naging suspek sa pagpatay kay Perez.
Pero mariing itinanggi ni Tamisin na may kinalaman siya sa pagbaril sa alkalde, na gaya ni Halili, inakusahan din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa ilegal na droga.
Binaril at napatay si Perez noong gabi ng December 2020 sa bakuran ng munisipyo. Hindi nakita ang mismong bumaril sa alkalde na hinihinalang nakakubli ang inasinta ang biktima.
BASAHIN: Mayor ng Los Baños, Laguna, binaril at napatay sa bakuran ng munisipyo
Hindi rin nakita ang bumaril kay Halili noong 2018 na inasinta habang dumadalo sa flag raising ceremony sa munisipyo.
Si retired police colonel Royina Garma ang nagdawit kay Albotra na posibleng may kinalaman sa pagpatay kay Halili.
Ayon kay Tamisin, pumasok sa isip niya na si Albotra ang posibleng nasa likod ng pagpatay kay Perez matapos niyang suriin ang CCTV footage ng lokal na pamahalaan na nakakuha sa mga pinaniniwalaang nagmanman sa munisipyo bago pinatay ang alkalde, bukod pa sa cartographic sketch ng tunay umanong suspek.
“Nung sinabi po ni Madam Colonel Garma na ang bumira daw po o kumatay, pumatay [kay Mayor Halili] ay team ni Albotra, nagsaliksik po ako ng videos. Nakita ko ang hitsura, pangangatawan, kilos, pagkakahawig sa video na kumakalat sa Los Baños, pero hindi inilabas ng pulis sa korte. Pareho ng relo [nung gunman sa video], pareho ng build, pareho ng balikat, gupit, binti, 5.66 mm ang ginamit, sniper rin po,” ayon kay Tamisin sa pagdinig.
Hinihinala ni Tamisin na sadyang hindi ipinakita ng mga pulisya ang CCTV footages na nakita ang sinasabing pagmanman ng mga suspek sa biktima at lugar na pinangyarihan ng krimen. Bukod sa ilang suspek, nakita rin umano sa video ang van na sinakyan ng mga suspek na hinihinalang ginamit din sa pagpatay kay Halili.
“Nagulat na lang po ako naglabasan sa news na ako pala po ay nahabla. Samantalang wala naman po akong kaalam-alam roon. Sa nasabing habla, sinasabi nila na nakita daw po ako within the vicinity sa tapat ng 7-11. Wala namang po ako roon,” giit ni Tamisin.
Ayon kay Tamisin, pitong buwan siyang nadetine bago pinayagan ng korte na makapagpiyansa dahil sa kahinaan ng ebidensiya laban sa kaniya.
“Ang masakit po nito, may nagturo [na] isang bogus witness na nakita daw niya ako. Kaya nung ma-file yung case, sa kanilang reklamo ay merong video pero hindi po nila isinumite. Your Honor, I thought the PNP is supposed to protect and serve the people. Some of them just keep on implicating innocent people just for them to prove that they have done something or to please their officers,” emosyonal na pahayag ni Tamisin.
Ayon kay Tamisin, nangamba rin siya sa kaniyang kaligtasan at inisip na malaki ang posibilidad na itutumba siya para maging sarado na ang kaso ni Perez.
Gayunman, itinanggi ni Albotra na may kinalaman siya sa asasinasyon kina Perez at Halili.
“Hindi po ako yan, Mr. Chair,” sabi ni Albotra nang tanungin tungkol sa videos at cartographic sketch.
Itinanggi rin ni Albotra na may sinabi siya kay Garma na pag-amin na may alam siya sa pagpatay kay Halili.
“Mr. Chair, wala po talaga akong maalala na nagsabi ako ng ganyan kay Ma'am," saad niya.
Pero nanindigan si Garma sa kaniyang naunang sinabi sa komite tungkol sa pagtisipasyon umano ni Albotra sa pagpatay kay Halili.
“Makakonsensya din po yan kasi I treated him very well when I was the City Director of Cebu City. In fact, may mga operations din yung mga tao niya na he needs my intervention and I gave my full support,” ani Garma.
“Alam po niya yan. Now if he will sue me, I will face it. But I can look straight in his eyes. I am not lying and he is lying," dagdag pa ni Garma na sinabing alam ni Albotra kung sino talaga ang tumira kay Halili.
Dahil sa paulit-ulit na pagsisinungaling umano ni Albotra, ipina-contempt siya ng komite at idinetine sa Kamara.
--mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News