Nabahala ang ilang mambabatas sa mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na nais niyang putulin ang ulo, at sa banta niyang huhukayin ang bangkay ni dating pangulong Marcos Sr., para itapon sa West Philippine Sea.
Sa pulong balitaan sa Kamara de Representantes, iminungkahi ni La Union Rep. Paolo Ortega, na sumailalim sa psychological evaluation si Duterte dahil sa tingin umano ng mga nakapanood ng panayam sa pangalawang pangulo na "parang may something," ayon sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.
BASAHIN: VP Sara, inisip na tanggalan ng ulo si Pres. Marcos; bangkay ni Marcos Sr., itatapon sa WPS
"Hindi ko alam kung may meltdown o may problema na nangyayari right before our eyes during the presscon," sabi pa niya.
Ayon naman kay Antipolo Rep. Romeo Acop, co-chairman Quad Committee, dapat ding magpatingin ang bise presidente sa psychologist o psychiatrist "kasi sila po ang expert dito hindi po kami."
Naniniwala din ang kongresista na napupuno ng galit si Duterte kaya nabitawan ang mga naturang pahayag sa nakaraan nitong presscon.
"In the case of the vice president, lumalabas yung flaw sa kaniyang karakter kasi natatalo ng kaniyang galit," dagdag niya.
Naniniwala rin si Senador Koko Pimentel na kailangan ng propesyonal na tulong ni Duterte.
"Sa tingin ko she needs to talks to some professionals," anang senador. "And maybe some close friends and family. Para mailabas kung ano yung nasa damdamin at nasa isip niya. Mahirap iano 'yon, hindi mo i-share."
Para naman kay Sen. Cynthia Villar, galit lamang si Duterte kaya "kung ano-ano na naiisip kasi galit."
"I think masyado namang prinosecute kaya nagagalit. Sana magbati na lang para walang problema,"dagdag niya.
Tinawag naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na “very disturbing” at “unbecoming” mula sa pangalawang pangulo ang mga pahayag nito.
Susuriin umano nila kung may nalabag na “moral principles” si Duterte.
“Marami kasing approaches diyan. Pero it desecrates the memory of a person, it desecrates the peaceful state that he must be in, having already perished,” sabi ni remulla.
“There are many other moral principles that are being violated and we are looking at the legal aspects. We are conducting a study,” patuloy niya.—FRJ, GMA Integrated News