Dead on the spot ang isang 21-anyos na rider matapos makabanggaan ang isang pampasaherong jeepney sa Caloocan City nitong Lunes ng madaling araw.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita," sinabing nangyari ang insidente dakong 3:30 am sa Zapote Road na sakop ng Barangay 177.

Batay sa imbestigasyon ng awtoridad, nag-overtake umano ang jeep sa isa pang jeep at pabalik na ito sa kaniyang linya nang makasalpukan ang motorsiklo.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang rider at nabasag ang windshield ng jeepney. Nasawi rin sa pinangyarihan ng aksidente ang rider.

Inamin naman ng jeepney driver na nasa kustodiya ng pulisya, na nag-overtake siya pero malayo pa umano nang makita niya ang rider.

"Kakanan sana ako gigilid sana ako kaso nga lang siya hindi talaga nag-ano... bumalik sa puwesto niya, dumiretso talaga sa gitna," paliwanag ng driver na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties.-- FRJ, GMA Integrated News