Nawalan ng malay ang LPU Pirates player na si JM Bravo matapos niyang aksidenteng makaumpugan ang isang manlalaro ng Arellano Chiefs sa gitna ng dikit nilang laban sa NCAA Season 100 men's basketball tournament nitong Sabado.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing apat na puntos ang lamang ng Arellano sa huling 15 segundo ng laban.
Ngunit ilang saglit lang, biglang nawalan ng malay si Bravo.
Mapanonood sa footage na hinabol ni Bravo ang bola sa sahig, ngunit nagkasalubong sila ni Renzo Abiera ng Arellano sa paghabol nito.
Hanggang sa nagkauntugan sila at natumba at nawalan ng malay si Bravo.
"'Yung nangyari sa kaniya para siyang na-knockout sa boxing. Kasi tinamaan siya ng ulo ng ibang player sa panga. Kaya sumasakit din 'yung kaniyang temporal mandibular joint. So pagkatapos na tinamaan siya rito, knocked out na siya, bumagsak siya sa floor. Tumama 'yung likod ng kaniyang ulo sa floor," sabi ni Hercules Callanta, chairman ng NCAA Season 100 Management Committee.
Kasagsagan ng first round ng eliminations noong Setyembre nang unang ma-injure si Bravo.
Hindi na dapat siya makakapaglaro sa buong Season 100 nang madiskubreng meron siyang spine injury. Ngunit pagpasok ng second round, bumalik siya matapos makakuha ng clearance na maglaro ulit.
Ayon sa NCAA Management Committee, walang kaugnayan sa spine injury ni Bravo ang insidente nitong Sabado.
Dinala si Bravo sa ospital, at walang nakitang problema sa kaniya.
May malay na rin si Bravo at naka-video call si ManCom Chairman Hercules Calianta sa video ng NCAA Philippines.
Nakatakdang i-discharge si Bravo nito ring Sabado.
Makapaglalaro lamang siya kung ma-clear sa concussion protocol.
Wagi ang Arellano University laban sa Lyceum, 91-86. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News