Nagkita sina Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. at dating Vice President Leni Robredo sa pagpapasinaya ng Sorsogon Sports Arena nitong Huwebes.

Sandaling nagkamayan ang dalawa, at kinamayan din ng pangulo si dating Senador Bam Aquino, na kasama sa mga sumalubong sa Punong Ehekutibo sa holding area.

Ayon kay Senate President Francis ''Chiz'' Escudero, inimbitahan niya si Robredo na i-welcome si Marcos bilang kinatawan ng Bicol region. Dating naging gobernador ng Sorsogon si Escudero bago muling bumalik bilang senador noong Eleksyon 2022.

Sinabi naman ni Atty. Barry Gutierrez, na tagapagsalita ni Robredo, parehong nasa naturang pagtitipon sina Marcos at Robredo.

''VP Leni is there, after all, upon the invitation of SP Escudero, who has been very supportive of Naga,'' ani Gutierrez sa GMA News Online.

 

 

Sa talumpati ni Marcos, binigyan-diin niya ang pagkakaisa para sa ikabubuti ng mga Pilipino.

''Maaaring may pagkakaiba tayo sa paniniwala at sa opinyon, ngunit alam ko na tayo ay pinagbubuklod ng iisang hangarin—na maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat isang Pilipino,'' ayon sa pangulo.

''Kaya naman umaasa ako sa suporta ng mga Pilipino. Sa tulong ninyo, alam kong makakamit natin ang mga hangarin natin para sa ikauunlad ng bansa,'' dagdag niya.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Escudero na sandaling nagbatiin sina Marcos at Robredo. Umaasa siya na simula na iyon nang "healing" kaugnay sa pagkakaiba nila sa usapin ng pulitika.

''Wala nagbatian lamang sila, tingin ko rito unang hakbang tungo sa ika nga paghilom ng kung anumang sugat, anumang hindi pagkakaunawaan dahil alalahanin ninyo, anumang debate o pagkakaiba namin ng pananaw ay politikal hindi personal. So mas madaling maghilom 'yun, mas madaling maayos 'yun,'' ani Escudero.

Idinagdag ni Escudero na may simboliko ang pagsasama-sama nilang tatlo nina Marcos at Robredo sa naturang event dahil na rin sa naging magkakalaban sila noong Eleksyon 2016 sa vice presidential race na si Robredo ang nanalo.

''Alalahanin ninyo, naglaban-laban kami noong 2016, kung maalaala niyo for Vice President," paliwanag ni Escudero." Ang nanalo si VP Leni noong 2016 kung maaalala niyo, nanalo naman si Pangulong Marcos noong 2022 bilang Pangulo naman [na si Robredo ang kalaban]. So kaming tatlo actually, may kasaysayan."

''Para sa akin, symbolic 'yun dahil sa sports arena kami nagsama-sama, an odd trio, di ba? At siguro magandang pagpulutan ng aral ng mga politiko 'yung mga nangyari, na nangyari pa sa sports coliseum ng Sorsogon,'' dagdag niya.

Sinabi rin ni Escudero na dapat magkakasama pa sina Robredo at Marcos sa stage para panoorin ang synchronized dance performance. Pero kailangang bumalik agad ng dating bise presidente sa Naga para sa dadaluhan pa na isang pagtitipon.

''In fact hinintay lamang talaga niya na dumating si Pangulong Marcos bago siya tuluyang tumulak pabalik ng Naga. Wala naman siyang eroplano o chopper, so kotse lang saka tatlong oras 'yun eh,'' sabi ni Escudero.

Tatakbong alkalde ng Naga sa Eleksyon 2025 si Robredo. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News