Pinagbabaril at napatay ang isang lalaki na kalalaya lang matapos makulong sa kasong pagpatay din sa Maynila.
Ang isa sa mga suspek, dati raw tumestigo laban sa biktima kaya nakulong noong nakaraang Marso sa kasong murder.
Onsehan sa iligal na droga ang tinitingnang dahilan noon sa pagpatay ng biktima sa isang lalaki sa bahagi rin ng Baseco Compound.
Ayon sa pulisya, kalalaya lamang ng biktima nitong nakaraang Biyernes matapos makipag-areglo sa pamilya ng umanoy napatay niya noon.
"Di umano, itong ating biktima ay pinagbabantaan yung grupo partikular na po yung isang tao na tumestigo laban sa kanya noon pong siya po ay naging suspek oh... nung siya po ay ating naaresto,” ayon kay Police Captain Dennis Turla, MPD Homicide Section chief.
Sakto naman na habang magkasama ang dalawang suspek at isang testigo, namataan nila ang biktima na naglalakad sa bahagi ng Block 1 sa Gasangan.
Dito na umano kumuha ng baril ang isang suspek at inabot sa isa pang suspek na siyang ilang beses namang bumaril sa biktima.
"Madami po yung kanyang tinamong tama ng bala sa katawan," ayon kay Turla.
"Lumalabas eh, inunahan lang siya nitong suspek," dagdag niya.
Agad naman nahuli sa follow up operation ng Baseco Police Station and suspek na sinasabing nag-abot ng baril sa gunman.
Ittinanggi niya na sangkot siya sa nangyaring pamamaril.
"Hinuli ako dahil may alam daw ako sa pangyayari na yan," ayon sa suspek.
"Di naman ako ang bumaril diyan, si James," dagdag niya.
Napag-alaman na dati nang nakulong ang suspek dahil sa pagkukubli ng iligal na armas at iligal na sugal.
Patuloy naman na tinutugis ng mga awtoridad ang gunman na mahaharap rin sa reklamong murder. — BAP, GMA Integrated News