Hinihinalang tinamaan ng human anthrax infection ang isang mag-ama sa Sto. Nino, Cagayan dahil sa pagkain ng karne ng kalabaw na patay na.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing kabilang ang mag-ama sa walong tao na kumatay at kumain sa karne ng kalabaw na nakita nilang patay na.
Ayon sa awtoridad, 53-anyos ang ama at 25-anyos naman ang anak, na dinala sa Cagayan Valley Medical Center.
Matapos kainin ang karne ng patay na kalabaw, nagkaranas umano ang mag-ama ng lagnat, panginginig, panghihina ng katawan at nagkaroon ng mga sugat na maitim.
Unang nakitaan ng sintomas ang anak noong Oktubre 8, at sumunod naman ang ama noong Oktubre 11.
Bumubuti na umano ang kalagayan ng mag-ama na kinuhanan ng specimen na ipinadala sa the Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para masuri at kumpirmasyon.
Mahigpit din ang pagsubaybay ng Cagayan Provincial Health Office sa insidente para makontrol ang posibleng pagkalat ng impeksiyon.-- FRJ, GMA Integrated News