Arestado ang apat na lalaking nang-holdap sa isang restaurant sa Quezon City sa magkakahiwalay na operasyon ng mga pulis.
Nakuhanan pa ng CCTV camera ang pagpasok ng mga suspek sa establisimiyento. Kinuha nila ang gadgets ng mga customer at kinapkapan pa nila ang ilang customer bago sila tuluyang tumakas.
Sumakay ang mga suspek sa dalawang motorsiklo.
Ayon sa pulisya, natunton ang mga salarin sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan, Valenzuela, Quezon City at Makati City.
“We have back tracked locations up to Caloocan, Novaliches, Commonwealth and at the same time, isa sa key factors yung tracing po natin sa devices kumuha siya nine devices marami roon na-pin natin ang location services,” ani Police Lt. Col. June Paolo Abrazado, hepe ng Kamuning Police Station.
Nabawi sa mga suspek ang dalawa sa mga ninakaw na cellphone, dalawang baril na kargado ng mga bala, at dalawang motorsiklo.
Ayon sa Quezon City Police District, nago-operate ang grupo hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa Bulacan at Rizal.
Lumalabas sa imbestigasyon na sila rin ang responsable sa panghoholdap sa magkahiwalay na kainan sa Meycauayan, Bulacan.
Nakuhanan din ng CCTV camera ang krimen.
“Modus na nito for some quite some time they have started according to our interview since July, ito na ang ginagawa nila on a weekly basis. Lalabas sila, iikot sila, magkakasundo sila kung saan titirang lugar,” ani Abrazado.
Dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa iba’t ibang kaso kabilang na ang sa droga at pagnanakaw.
Aminado sila sa nagawang krimen.
Mahaharap ang apat sa reklamong robbery. Ang dalawa sa kanila ay may karagdagang reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —KBK, GMA Integrated News