Hindi makakalaban ng isang taon sa Japan ang dating three-division champion John Riel Casimero matapos siyang suspendihin ng Japan Boxing Commission (JBC).
Ipinataw ang naturang parusa dahil sa kabiguan ni Casimero na makamit ang tamang timbang sa nakaraang laban nila ni Saul Sanchez na 122-pound limit para sa super bantamweight.
Sa naturang laban na ginanap nitong Sabado, overweight ng isang kilo si Casimero nang unang tumapak sa timbangan. Binigyan siya ng dalawang oras upang ipagpag ang sobrang timbang pero bumalik siya na may bigat na 123 pounds.
Natuloy pa rin naman ang laban at pinabagsak ni Casimero si Sanchez sa unang round pa lang ng kanilang laban.
"We [at] JBC have already suspended Casimero for one year due to his overweight. This is our JBC rule, so he is not available to fight in Japan for one year," saad ng JBC official na si Tsuyoshi Yasukochi sa ipinadalang email.
Ang Japanese outfit na Treasure Boxing Promotion ang nagpo-promote ng mga laban ni Casimero na may fight record na 34-4-1, at 23 sa panalo niya ay knockout.— mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ, GMA Integrated News