Arestado ang isang lalaki matapos niyang ilang beses tangkaing saksakin ang isang lalaki sa Bonifacio Global City sa Taguig dahil sa selos.

Nakuhanan pa ng cellphone video ang mismong insidente ng tangkang pananaksak.

Ayon sa pulisya, isang security guard ang lalaki na nagtangkang manaksak sa cellphone video.

Ang biktima naman ay isang call center agent at katrabaho ng live-in partner ng lalaki.

Sabi ng mga pulis, pinaghinalaan ng suspek na may relasyon ang kanyang live-in partner at ang biktima.

Lalo umano siyang kinutuban nang makita niyang magkasama sila hanggang sa labas ng trabaho.

Ito ang dahilan kaya ilang beses niyang sinubukang saksakin ang biktima na nakailag naman.

Agad naman nahuli ng dalawang guwardiya sa lugar ang suspek at dinala sa pulisya.

Sa salaysay ng suspek sa mga pulis, sinabi nito na wala nang "spark" ang relasyon nila ng live-in partner niya.

Lagi rin daw umanong nakatutok sa cellphone ang partner niya, bagay na hindi raw niya ginagawa noon.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Taguig City Police Station ang suspek na nahaharap sa reklamong attempted homicide.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang biktima. —KG, GMA Integrated News