Nahuli-cam ang isang SUV sa EDSA sa bahagi ng Quezon City na naipit sa trapiko at sumampa sa center island para mag-U-turn nitong Martes. Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hahanapin ang driver ng SUV para maparusahan.
Ayon sa MMDA, nangyari ang insidente dakong 8:30 a.m. sa EDSA Aurora underpass.
Sa video ng MMDA na ipinost sa X, makikita ang SUV sa southbound lane na naipit sa usad ng trapiko. Bigla na lang itong sumampa sa center island at nag-U-turn kahit pa may mga paparating na sasakyan mula sa kabilang bahagi ng kalsada.
Nakunan ng closed circuit television camera ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang SUV na nag-u-turn sa center island sa bahagi ng EDSA Aurora underpass kaninang umaga.
— Official MMDA (@MMDA) October 8, 2024
Nangyari ang insidente bandang 8:30 ng umaga sa kasagsagan ng rush hour.
Natukoy ang… pic.twitter.com/wUR3BS7xNM
Natukoy na umano ng MMDA ang plate number ng SUV.
"Alinsunod sa direktiba ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, maghahain ng reklamo ang ahensiya sa Land Transportation Office upang mapatawan ng kaukulang parusa ang naturang SUV driver," ayon sa post.
"Paalala ng MMDA: malaking panganib ang maling diskarte sa kalsada. Sumunod sa umiiral na batas trapiko," dagdag nito.— FRJ, GMA Integrated News