Isang padre de pamilya na papasok na sana sa trabaho ang nasawi matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo na nag-counterflow sa Pandacan, Manila.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay 836 ang 58-anyos na biktima na naglalakad sa Nagtahan Link Bridge na nakapayong noong Linggo ng gabi dahil umuulan.
Hindi nagtagal, dumating ang motorsiklo na nag-counterflow at nasalpok ang nakasalubong na biktimang naglalakad.
“Hindi niya napansin na habang patawid ito ay nabangga niya. Pareho silang tumilapon sa kalsada,” ayon kay MPD spokesperson Police Major Philipp Ines.
Nasawi ang biktima bago pa man makarating sa ospital, habang nagtamo rin ng sugat ang 49-anyos na rider pero nakaligtas at nakadetine na sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa barangay tanod na si Tony Abueva, tila hilo pa ang rider nang dumating sila sa lugar ng aksidente at amoy alak.
Desidido ang pamilya ng biktima na kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide ang rider.
“Itutuloy po namin kasi masakit sa amin mawalan ng tatay. Ginawa niyang ganoon lang ang buhay ng tatay ko dahil lang nakainom siya… Buhay iyon kinuha niya eh. Harapin niya na lang,” ayon sa anak ng biktima.
Itinanggi ng rider na nakainom siya dahil papasok umano siya sa trabaho nang sandaling iyon. Sinadya raw niyang mag-counterflow para mapabilis sa kaniyang pupuntahan.
“Siyempre, shortcut at saka dis-oras na. Wala nang sasakyan,” paliwanag niya.
Nakikiusap ang rider sa pamilya ng biktima na huwag na siyang kasuhan.
“Sana maawa din sila kasi hindi naman sinasadya. Disgrasya lang din po… Dapat areglo na lang sila. Hihingi na lang po ako sa kanila ng sobra-sobrang patawad kasi hindi naman sinasadya iyong nasagasaan ko iyong [ka]pamilya nila,” saad ng rider.
Napag-alaman naman na sadyang may mga motorsiklo na nagka-counterflow sa naturang daanan.
Ayon kay Ines, makikipag-ugnayan siya sa barangay na mahigpit na ipatupad ang batas trapiko sa lugar para maiwasan ang katulad na insidente.
“Magbantay sila doon sa lugar kasi, sabi nga natin, kung naging cause ng aksidente iyan, dapat ma-address agad natin,” sabi ni Ines. —FRJ, GMA Integrated News