Kalunos-lunos ang sinapit ng ilang estudyante at guro na nagfi-field trip kung saan hindi bababa sa 23 ang patay matapos magliyab ang sinasakyan nilang school bus malapit sa Bangkok, Thailand.
Kabilang sa mga nasawi ang tatlong guro, at 20 na mga batang estudyanteng nasa Grade 3, ayon sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed.
"From the initial findings, 11 male bodies, 7 female bodies, and 5 bodies whose gender could not be determined have been identified, making it a total of 23 bodies," sabi ni Lieutenant General Trairong Phiwpan ng Police Forensic Science Office.
Base sa mga awtoridad, nakuha ang labi ng mga estudyante at guro sa gitna at likurang bahagi ng bus.
Posibleng umatras sila roon upang iwasan ang sunog na nag-umpisa mula sa harapang bahagi ng sasakyan.
Tumalon naman ng bintana ang mga nakaligtas.
Samantala, 16 mga estudyante at tatlong guro ang isinugod sa ospital para sa karampatang lunas, sabi ni Transport Minister Suriya Juangroongruangkit sa ulat ng Reuters.
Isang natural gas vehicle (NGV) ang bus, ayon pa sa opisyal.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na sumabog ang isa sa mga gulong ng bus sa harap.
Tumakas umano ang driver habang nasusunog ang bus. Ngunit depensa ng bus company, siniguro nilang maayos ang bus bago ang field trip.
"We didn't see any problems with the bus prior to the incident," sabi ng Chinnaboot Tour Company, pamunuan ng bus.
"The gas system is installed properly and the vehicle undergoes routine inspection and maintenance," dagdag nito.
Tatlong bus ang sinakyan ng mga estudyante galing sa Wat Khao Phraya Sangkharam School sa Uthai Thani province.
Nakatakda sana silang mag-field trip sa isang electricity plant. Apatnapu umano ang nakalistang sakay ng nagliyab na bus.
Isa sa mga bata ang nanganganib na mabulag.
Nangako ang gobyerno ng Thailand ng tulong sa mga biktima at pananagutin ang may sala sa trahediya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News