Tinatayang humigit-kumulang 18 kilo ng hinihinalang shabu at droga na nagkakahalagang P90 milyon ang nasabat ng mga awtoridad sa Matnog Port, Sorsogon nitong Sabado ng gabi.
Base sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Sorsogon, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na isang sasakyan mula Visayas na patungong Maynila ang may lulan ng mga droga.
Sa pamamagitan ng PDEA Sorsogon, PDEA NCR, Matnog Sorsogon Police ay na-recover ang kontrabando.
Mayroong 200 na pirasong medium heat-sealed sachet na naglalaman ng 10 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P50,000,000 at walong pirasong bricks na pinaniniwalaang may lamang droga na aabot sa 8 kilo ng hinihinalang shabu na may halagang P40,000,000 ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Kasama din sa mga narekober ang tatlong cellphone at dalawang ID .
Kinilala ang dalawang suspek na sina Kabilan Yusop Arsadc, 30 anyos, mula sa Poblacion Shariff Aguak, Maguindanao at Tato Kumpi Jehamin, 21 anyos, na mula sa Talitay, Maguindanao.
Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya ngayon ng Philippine National Police at nahaharap sa patong-patong na kaso sa paglabag sa Section Il ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —RF/KG, GMA Integrated News