Isiniwalat ng isang pulis sa pagdinig ng Quad Committee sa Kamara de Representantes na sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo ang nag-utos umano para patayin noong July 2020 ang nakaupong PCSO Board Secretary Wesley Barayuga. Itinanggi naman ito ng dalawa.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng komite tungkol sa nangyaring patayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza ng Philippine National-Police Drug Enforcement Group (PNP-PDEG), na inutusan siya na patayin si Barayuga dahil sangkot umano ito sa ilegal na droga.
Ayon kay Mendoza, tinanggap niya ang utos dahil napaniwala siya na sangkot sa ilegal na droga si Barayuga at nangangamba rin siya sa kaniyang trabaho at kaligtasan kung hindi siya susunod.
“Ipinadala niya sa akin ang larawan ni Mr. Barayuga habang ito ay nasa conference meeting sa loob ng PCSO. Sinabi ko kay Colonel Leonardo na dahil isang opisyal na gobyerno ang target, mahalaga na magsagawa po ng sarili kong verification, ngunit sinabi niya na hindi na kailangan dahil ang utos ay mula kay GM Garma, Colonel Royina Garma, na may personal na kaalaman sa tungkol sa mga ilegal na aktibidad ng droga ni Wesley Barayuga,” sabi ni Mendoza.
Ayon pa kay Mendoza, si Leonardo ang nagbigay sa kaniya ng description at plate number ng sasakyan na gamit ni Barayuga.
Dahil walang sariling sasakyan at nagko-commute lang si Barayuga na dahilan para mahirapan na masubaybayan ang galaw ng opisyal, binigyan umano si Barayuga ng service vehicle nang panahong iyon mula kay Garma.
“Sinabi niya (Leonardo) na maaari na naming tirahin si Wesley Barayuga pagkatapos niyang lumabas sa gusali [ng PCSO sa Mandaluyong],” salaysay ni Mendoza.
Isang Nelson Mariano na informant ang kinausap umano ni Mendoza para maghanap ng uupahan para patayin si Barayuga.
Tinukoy ni Mendoza na isang "Loloy" ang nakuha umano ni Mariano na hit man.
Hapon noong Hulyo 30, 2020, binaril at napatay ng lalaking nakamotorsiklo si Barayuga, habang sakay ng pickup truck sa Mandaluyong.
Ayon kay Mendoza, matapos mapatay si Barayuga, nagbigay umano si Garma, isa ring dating pulis, ng P300,000 bilang pabuya sa matagumpay na operasyon.
“Matapos na matagumpay na naisagawa ang operasyon, ipinaalam sa akin ni Colonel Leonardo na si Ma'am Garma ay nagbigay ng P300,000 bilang kabayaran para sa aming trabaho at ito ay iaabot ni ‘Toks’ sa aking middleman na si Nelson Mariano,” ani Mendoza.
"At nang magkita kami ni Nelson, ay inabot niya sa akin ang halagang P40,000 bilang aking bahagi sa kabayaran,” dagdag ni Mendoza.
Itinanggi nina Garma at Leonardo
Mariing itinanggi nina Garma at Leonardo ang alegasyon.
Nabanggit din ang pangalan ng dalawa na silang nasa likod ng pagpatay sa tatlong Chinese inmates na nakakulong dahil sangkot din umano sa ilegal na droga.
“Nagulat po ako, I did not expect it,” ani Garma sa pagturo sa kaniya ni Mendoza kaugnay sa pagpatay kay Barayuga.
“Hindi ko po alam iyong sinasabi po niya . I cannot speculate. I do not know what he (Mendoza) is thinking,” dagdag ng dating opisyal.
Iginiit ni Garma na wala silang "conflict" ni Barayuga sa trabaho sa PCSO.
Sinabi naman ni Leonardo, hindi niya kilala si Mendoza kaya hindi niya ito puwedeng utusan.
"Nagulat rin po ako. Hindi ko po siya puwede utusan kasi hindi ko po siya (Mendoza) kilala," ani Leonardo.
Lumitaw sa naturang pagdinig na wala ang pangalan ni Barayuga sa listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga, at nailagay na lang matapos na mapatay.
Ipatatawag ng komite ang iba pang pangalan na nabanggit sa naturang pagdinig at kasamang aalamin ang posibleng malawak na sabwatan ng ilan pang opisyal ng pulisya para mapagtakpan ang imbestigasyon sa nangyari kay Barayuga, na isa ring dating pulis.
Humingi rin ng patawad sina Mendoza at Mariano sa naulilang pamilya ni Barayuga sa naging pagtisipasyon nila sa pagpaslang sa biktima. —mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News