Pinalaya na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang bilanggo na si Jimmy Fortaleza, isa sa mga testigo na humarap sa pagdinig sa Kamara de Representante tungkol sa drug war deaths ng Duterte administration, partikular sa tatlong Chinese na pinatay sa loob ng kulungan.
Ayon sa BuCor, pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang petisyon ni Fortaleza para sa habeas corpus with prayer para sa komputasyon ng kaniyang special time allowance for loyalty (STAL) sa tagal ng kaniyang pagkakapiit.
Dahil sa STAL, nabawasan ng walong taon ang 32 taon na sentensiya ni Fortaleza, kaya naging 24 na taon na lang.
Ayon sa BuCor, June 2008 pa nakapiit si Fortaleza o kabuuang 29 na taon hanggang limang buwan, kaya labis na ang taon na kaniyang inilagi sa kulungan, base sa STAL.
Iniutos ng RTC ang kaagad na paglaya ni Fortaleza.
"Since we already received the requested authenticated copy of the resolution of the Management, Screening and Evaluation Committee from the Bureau of Jail Management and Penology, there is no reason for Fortaleza to remain in our custody,” ayon sa pahayag ng BuCor.
Sinabi naman ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., na ipapaalam nila sa House Quad Committee ang naging desisyon ng korte tungkol kay Fortaleza, dahil nasa ilalim ito ng kustodiya ng komite bilang kanilang testigo.
Una rito, sinuportahan ni Fortaleza ang testimonya ng dalawa pang bilanggo tungkol sa ginawang pagpatay sa tatlong Chinese na umano'y drug lord na nakapiit sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Sa pagdinig ng komite, sinabi ni dating Davao Prison and Penal Farm officer-in-charge Gerardo Padilla, sinabihan umano siya ni dating Police Colonel Royina Garma, na hepe noon ng Cebu CIty Police, na huwag haharangin ang gagawing pagpatay sa tatlong Chinese.
Idinagdag ni Padilla na nakausap siya ni Garma sa pamamagitan ni Fortaleza, na kaklase ni Garma sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Inamin ni Garma na binisita niya si Fortaleza, kasama ang dalawa pang kaklase sa PNPA noong 2016, pero itinanggi niya na may kinalaman siya sa pagpatay ng mga bilanggo sa tatlong Chinese.
Idinawit sa pagpatay sa tatlong Chinese ang noo'y nakaupong pangulo na si Rodrigo Duterte, na inimbitahan din na dumalo sa pagdinig para makuha ang panig pero hindi siya dumadalo.
Noong 2019, itinalaga ni Duterte si Garma, bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). — FRJ, GMA Integrated News