Inihayag ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na inihahanda na nila ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabi ni Bayan chairperson Teddy Casiño, na handa na ang reklamo sa Nobyembre at "sponsor" (magsusulong) kasabay ng muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.
Hindi nagbigay ng detalye ang grupo kung ano ang magiging basehan ng reklamo, pero itinanggi nila ang pamumulitika ang nasa likod ng gagawin nilang hakbang.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ni Duterte pero dati na niyang sinabi na may plano sa Kamara de Representantes na ipa-impeach siya para matanggal sa puwesto.
Tinukoy din ni Duterte sina House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro na sentro ng usap-usapang impeachment laban sa kaniya.
Samantala, itinanggi naman ni Castro ang alegasyon ni Duterte na iisa ang humahawak umano sa kanila nina Senador Risa Hontiveros, at dating senador Antonio Trillanes IV.
Tinawag ni Castro na "delusional" si Duterte.
Nang hingan ng komento si House Speaker Martin Romualdez tungkol sa planong paghahain ng Bayan ng impeachment complaint laban kay Duterte, sinabi ng lider ng Kamara na, ''We have to look at whatever comes before us.''
''We have nothing like that in the radar so we would have to look at whatever comes before us but I've not heard,'' ayon kay Romualdez.
Naging mainit ang usapin tungkol kay Duterte nang tumanggi siyang humarap sa mga pagdinig sa Kamara kaugnay sa paggamit niya ng pondo sa kaniyang tanggapan, partikular ang confidential funds.—FRJ, GMA Integrated News