Sinabi ni Senate President Francis Joseph "Chiz" Escudero nitong Miyerkules na nagkaayos na sina Senadors Juan Miguel Zubiri at Alan Peter Cayetano, matapos ang mainit nilang pagtatalo sa plenaryo nitong Martes ng gabi na nauwi pa sa hamonan.
Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni Escudero na nagiging "passionate" ang mga senador sa kanilang mga adbokasiya.
"It's quite human and natural for them to be emotional with regard to these advocacies," patuloy niya.
Nag-ugat ang pagtatalo nina Zubiri at Cayetano tungkol sa pag-apruba ng kapulungan sa concurrent resolution na nagnanais na isama ang 10 Enlisted Men's Barrios (EMBO) barangays sa dalawang legislative districts ng Taguig City at munisipalidad ng Pateros.
"Nangyayari lang talaga minsan but they were able to immediately patch it up and resolve their differences before the evening ended," paliwanag ni Escudero, na kasamang ipinaliwanag na ilang araw nang nag-o-overtime ang mga senador dahil sa paghimay sa 2025 panukalang budget ng pamahalaan.
"Nangyari 'yung insidente pasado alas nuebe na rin kasi, so medyo pagod na rin 'yung mga miyembro," sabi pa ni Escudero.
Una rito, kinuwestiyon ni Zubiri ang pagtalakay sa plenaryo ng Senate Concurrent Resolution No. 23 na iniakda ni Cayetano, dahil hindi umano ito kasama sa agenda ng kapulungan sa naturang araw.
"It just came out in the air... This is not a simple resolution... Ang akin lang sana explain sana sa amin ano itong pag-uusapan natin. I asked a colleague who represented before these 10 EMBO barangays. She doesn't also know what's going on. Due courtesy lang ba. Show some respect," saad ni Zubiri kay Cayetano.
"If I raised my voice... it didn’t have to go that way and I apologize if I raised my voice. If this will help you, maybe we can take it up tomorrow. Ang aking lang diyan is nabigla ako at biglang may concurrent resolution about these barangays wala naman sa agenda today. So my appeal to the good gentleman is give us time to at least explain to us what it is all about," patuloy niya.
Nais ni Zubiri na talakayin ang resolusyon sa Miyerkules, na tinutulan ni Cayetano dahil sa kakapusan ng panahon at baka hindi matalakay kung sakaling magkaroon ng aberya.
"I don't want to take the risk. Nakita niyo naman yung mga ulan ngayon eh kung bumagyo bukas at mag-adjourn tayo? So walang taga-EMBO na pwedeng tumakbong congressman, walang pwedeng bumoto," paliwanag ni Cayetano.
Nakatakdang magbakasyon ang sesyon ng Kongreso sa September 27 hanggang November 3.
Sa huli, pumayag na rin si Zubiri na ma-adopt o maaprubahan ng Senado ang resolusyon "with the explanation that it's not a creation of a new district and it's only the sense of Congress."
Sa resolusyon, masasakop ng first district ang Comembo, Pembo, at Rizal, habang sa second district naman ang Cembo, South Cembo, East Rembo, West Rembo, Pitogo, Post Proper Northside, at Post Proper Southside.
Ang mga naturang EMBO barangays ay dating nasasakop ng Makati. -- mula sa ulat nina Anna Felicia Bajo/Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News