Dinakip ang isang 19-anyos na driver matapos siyang makabangga ng isang motorcycle rider at takasan pa ang isang MMDA enforcer na sumita sa kaniya sa E. Rodriguez Sr. Avenue sa Quezon City. Ang suspek, lasing umano matapos manggaling sa isang inuman.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood na nakaluhod na nakikipag-usap ang suspek matapos abutan ng mga tauhan ng MMDA bago mag-6 a.m.
Sinabi ng MMDA na may nabangga ang driver na isang motorcycle rider habang red light.
Dahil dito, nasa limang motorsiklo ang tumigil sa stoplight upang kausapin ang driver matapos din silang lagpasan umano ng kotse.
Pagkarating ng isang MMDA personnel, humarurot paalis ang kotse at umabot sa tatlong stoplight.
Sa tulong ng ilang motorcycle rider, kabilang ang isang pulis ng QCPD na pauwi galing sa kaniyang shift, tuluyang nakorner ang tumakas na suspek.
Dinala sa ospital ang rider, na nagtamo ng ilang galos sa braso.
Nabasag din ang salamin ng kaniyang speedometer at natanggal ang plaka ng motorsiklo.
“Magulo po sila ma'am. Bigla po silang humihinto kapag nasa green light naman po,” depensa ng driver.
Sinabi ng MMDA na lasing ang driver, kung saan nakita pa sa loob ng kaniyang kotse ang isang bote ng beer.
Pauwi na umano ang driver mula sa isang inuman na nag-umpisa ng 3 a.m. sa Timog Avenue.
Bigong makapagpakita ng lisensya at OR/CR ang driver ng kotse.
Nangako naman ang driver na sasagutin niya ang pagpapagamot at damage sa nabanggang motorsiklo. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News