Nasawi ang isang babaeng stay-in na empleyado matapos masunog ang isang kainan sa G. Tuazon Street sa Sampaloc Maynila pasado alas tres y media ng madaling araw.
Agad na itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma.
Rumesponde ang nasa walong fire truck ng BFP bukod pa sa mga fire volunteer.
Kwento ng mga unang rumespondeng taga-barangay, sinubukan pa nilang apulahin ang apoy pero hindi kinaya.
“Nung dumating kami rito malakas na ho yung apoy ginamitan namin ng fire extinguisher nasa 8 to 10 fire extinguisher hindi na po namin maapula yung sunog,” ani Barangay Kagawad Roland Purificacion.
Nakaligtas ang dalawang lalaking stay-in na empleyado na natutulog sa ground floor nang mangyari ang insidente.
“Natutulog kami kanina sir tapos yung simula ng sunog sa bandang kusina saka main door buti nga nagising ko yung isang kasama kung hindi ko nagising yon baka kasama sa sunog,” ani Franklin Laurente, isa sa mga nakaligtas na empleyado.
Dagdag ni Laurente, natutulog noon sa mezzanine ang kasamahan nilang babaeng empleyado na nasawi sa sunog.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng apoy na nagsimula sa unang palapag ng establisimiyento.
“Kasalukuyan pong iniimbestigahan kung bakit nagkaganon ang fatality. Ito po ay isang residential commercial ito po ay isang kilala na pansitan,” ani Fire Sr. Insp. Cesar Mabante, ang Station 5 Commander ng Manila Fire District.
Naapula ang sunog matapos ang halos apatnapung minuto.
Umabot sa P100,000 ang inisyal na halaga ng pinsala sa istruktura. — BAP, GMA Integrated News