May panibagong transport strike na ikinasa ang grupong PISTON at MANIBELA sa September 23 at 24 para tutulan pa rin ang Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan.
“Ilang beses nang nalantad ang kapalpakan ng PTMP sa Kongreso, kinatigan na rin ng Senado ang ating posisyon sa pagbabasura sa PTMP, pero nagmamatigas pa rin si (President Ferdinand 'Bongbong') Marcos Jr at ang kaniyang mga alipores sa DOTr at LTFRB,” ayon sa inilabas na pahayag ni PISTON national president Mody Floranda nitong Biyernes.
Kabilang sa mga usapin na nais ng PISTON na mabigyan ng pansin ng pamahalaan ang mga sumusunod:
- ibasura na ang PTMP
- kanselahan ang puwersahang franchise consolidation na nakasaad sa programa
- renewal ng franchises at registrations ng lahat ng public utility vehicle (PUV) operators, pati na ang piniling huwag magpa-consolidate
- zero budget para sa PUV phaseout programs, at pondo para sa rehabilitation ng traditional jeepneys at subsidies sa local industries
- payagan na umurong ang mga pumasok sa franchise consolidation
Nais din ng PISTON na sundin ng mga local government units ang Bacolod City Council's resolution na suspindihin ang PTMP.
Sa ilalim ng PTMP na dating Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), papalitan ang mga tradisyonal na jeepney ng mga pampasaherong sasakyan na Euro 4-compliant engine para bawasan ang polusyon sa hangin.
Kasama rin sa intensyon ng programa na maalis sa lansangan ang mga pampasaherong sasakyan na hindi na "roadworthy," at maisaayos ang mga ruta ng mga PUV.
Pinapalagan ng mga tutol sa programa ang mahal na halaga ng mga modernong jeepney na mahigit P2 milyon ang bawat unit. Bukod pa rito, pinupuna rin na mawawala ang orihinal na disenyo ng mga jeepney na itinuturing tatak ng mga Pilipino.
Ang mga tsuper at operator na hindi nagpa-consolidate at nagsuko ng kanilang mga prangkisa sa itinakdang deadline na unang inihayag noong April 30 ay ikokonsiderang “colorum” at huhulihin.—FRJ, GMA Integrated News