Naging emosyonal si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog nang ilahad sa Quad Committee ng Kamara de Representantes ang hirap na kaniyang pinagdaanan nang isama siya ng administrasyong Duterte sa listahan ng mga politiko na sangkot umano sa ilegal na droga. Aniya, bukod sa banta sa kaniyang buhay, may plano rin umano na gipitin siya para ituro ang dalawang lider ng oposisyon noon bilang mga drug lord.
Ang Quad Committee ay apat na komite sa Kamara na nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa operasyon ng ilegal na POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) at sa hinihinalang extrajudicial killings sa war on drugs ng dating administrasyong Duterte.
Taong 2017 nang magtungo sa Japan si Mabilog at hindi na bumalik sa bansa mula noon dahil sa banta sa kaniyang buhay. Lumipat siya sa Amerika at humingi umano ng political asylum na inaprubahan naman.
Bumalik sa Pilipinas si Mabilog nitong September 10 at sumuko sa National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) at International Airport Investigation Division.
May kasong katiwalian na kinakaharap ang dating alkalde na pinayagan naman ng korte na maglagak ng piyansa.
Sa kaniyang pahayag sa komite nitong Huwebes, ikinuwento ni Mabilog na makikipagkita sana siya sa nakaupong PNP chief noon na si Ronald Dela Rosa (senador na ngayon) kaugnay sa pangamba niya sa pagkakasama niya sa listahan ng narco politicians.
Nasa Japan siya noon nang makatanggap umano siya ng tawag sa isang heneral tungkol sa banta sa kaniyang buhay. Kasunod nito ay tinawagan niya si Dela Rosa.
"I made a call and spoke to General Bato who expressed his sympathy. He was talking to me in Bisaya. He told me he knew I was innocent, that I wasn't involved in illegal drugs, and he promised to help me,” ayon kay Mabilog.
“Just after that call, my Philippine cellphone rang. This time, it was another general. His voice was grim: ‘Mayor, do not return. Your life is in danger. The accusations against you are all fabricated, but if you go to Crame, you’ll be forced to point fingers to an opposition senator and a former presidential candidate as drug lords,’” patuloy ng dating alkalde.
Hindi kaagad binanggit ni Mabilog kung sino ang dalawang politiko na ipatuturo sa kaniya na mga drug lord. Pero sa pagtatanong mga mambabatas, inilahad niya na ito ay sina dating senator Mar Roxas II at Franklin Drilon, na mula sa Liberal Party.
Naging kalaban ni Duterte sa 2016 presidential election si Roxas, kung saan nanalo ang una. Nakaupo namang senador si Drilon nang panahong iyon.
Ayon kay Mabilog, si Roxas ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa mga kandidatong pangulo sa naturang eleksiyon.
“Yes your honor, kasi ang resulta po ng elections na ‘yun, President Rodrigo Duterte got only 13.7% in the total number of votes in Iloilo City which is his lowest percentage votes all over the country,” paliwanag ng dating alkalde sa tanong ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng reaksyon ang mga pangalang binanggit ni Mabilog.
Tinawag naman ni Salvador Panelo, naging chief presidential legal counsel sa Duterte administration, na “nonsense” ang mga pahayag ng dating alkalde.
“That’s a lot of nonsense. All the heads of the LGUs except for [Agusan del Norte] Gov. Angel Amante did not support [former Pres. Duterte],” saad niya sa GMA News Online.
Dela Rosa: Tumawag siya sa akin
Kinumpirma ni Dela Rosa na tumawag sa kaniya si Mabilog pero sinabi niya na "incredible" na papatayin ang dating alkalde kapag nagpunta sa kaniya sa Camp Crame, na national headquarters ng Philippine National Police.
"Before Mayor Jed Mabilog disappeared, tumawag siya sa akin at very much worried daw siya for his safety. I told him: so far ang pagkakilala ko sa iyo mabait ka na mayor at tumutulong ka sa anti-drug efforts ng PNP," Dela Rosa said.
"'Di bale kung takot ka, pumunta ka dito sa akin sa Crame and I can assure you walang mangyayari sa iyo. Kukumbinsihin ko si presidente [Duterte] na matino ka na tao. Sabi niya, 'Yes sir pupunta ako diyan.' Later on, tumawag siya ulit sa akin na hindi na daw siya pupunta sa akin kasi may nag-advise daw sa kaniya," patuloy ng senador.
"Hindi ko lang sure kung sinabihan niya ako na lilipad na siya papuntang Japan or natanggap ko na lang ang info na iyan later…… very incredible naman 'yun na papuntahin ko siya sa Camp Crame para patayin?," giit ng dating PNP chief.
Paulit-ulit ang banta
Ayon kay Mabilog, nagpasya siya na huwag nang bumalik sa Pilipinas dahil sa paulit-ulit na banta sa kaniyang buhay.
“Paulit-ulit ang pagbabanta ni Presidente Duterte sa media, harap-harapang sinasabi ipapapatay daw ako…at alam po nating lahat hindi lamang ito basta-bastang pagbabanta. Kayang kaya niya pong totohanin ito,” ani Mabilog
“Ito na siguro ang tamang pagkakataon na malaya akong kukuha ng lakas ng loob at magsasalita ng katotohanan kahit ako pa ay natatakot at may pangamba sa aking buhay,” patuloy niya.
llan sa mga lokal na opisyal na nasa listahan ng narco politicians ang nasawi sa panahon ng termino ni Duterte.
Nobyembre 2016, ilang buwan matapos manalong pangulo si Duterte, napatay ng mga pulis matapos umanong manlaban sa loob ng kulungan sa Baybay Sub-Provincial Jail sa Leyte si Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Nasawi naman si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog (kasama ang kaniyang asawa at ilang tauhan) sa pagsalakay ng mga pulis sa kanilang bahay noong 2017.
Binaril naman habang dumadalo sa flag raising ceremony si Tanauan City Mayor Antonio Halili noong 2018. Nananatiling hindi nalulutas ang kaso kung sino ang bumaril at nagpapatay sa alkalde.
Sa naturang pagdinig, iginiit ni Mabilog na hindi siya sangkot o naging protektor ng ilegal na droga.
“Una sa lahat [first of all], I declare that I was not, and never will be a drug protector. I don't know personally nor did I benefit in any way from any illegal drug personality in Iloilo or anywhere else,” ayon sa dating alkalde.
Sinabi ni Mabilog na wala pang kaso na isinasampa sa kaniya hanggang ngayon sa korte tungkol sa alegasyon na sangkot siya sa ilegal na droga.
Listahan ng kalaban?
Batay sa naging pahayag ng mga ipinatawag ng komite, sinabi ni House Committee on Public Accounts chairperson Abang Lingkod party-list Representative Joseph Stephen Paduano, na mistulang ginamit umano ang drug list ni Duterte laban sa mga katunggali niya sa pulitika.
“From the very start to the statement-affidavit of Mayor Jed Mabilog and his preliminary remarks, it is all about politics,” anang kongresista.
“Yung Duterte's list again, from the statement of Colonel Espenido, napakalinaw po it [did not undergo] vetting and validation kapag kalaban ka sa politika nasa listahan ka,” dagdag niya.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nailagay ang pangalan ni Mabilog sa drug list noong 2017 matapos banggitin ni Duterte sa isang talumpati.
“It was only on October 19, 2017 when the names earlier mentioned by the President, there were 159 including the name of Mayor Mabilog, but the rest were already earlier included. So only 30 that were not yet included in the earlier list that were added,” sabi ni PDEA intelligence service director Emiterio Bitong.
Sa original list na ginawa noong December 2016 sa intelligence workshop na ginanap sa Philippine National Police, sinabi ni Bitong na may 3,363 na pangalan ang nailista.
Noong September 2017, may panibago umanong listahan mula sa Office of the President na may petsang August 2017 ang lumabas, at tumaas na ang bilang ng mga nasa listahan sa 6,191.
Nagkaroon pa umano ito ng pagsasama-sama ng mga pangalan na umabot sa kabuuang 6,221 na pangalan.-- FRJ, GMA Integrated News