Natuloy na ang pagsalang ni Cassandra Ong sa isinasagawang pagdinig ng apat na komite sa Kamara de Representantes na nagsisiyasat sa ilegal na operasyon ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) at sa hinihinalang extrajudicial killings sa war on drugs ng dating administrasyong Duterte.

Hindi natuloy ang pagsalang ni Ong, 24-anyos, sa pagdinig noong September 4, nang tumaas ang presyon ng kaniyang dugo at kinailangang dalhin sa ospital.

Matapos umayos ang kaniyang pakiramdam, ibinalik siya sa kustodiya ng Kamara kung saan siya nakadetine makaraang i-contempt ng mga mambabatas dahil sa pagsisinungaling umano sa pagdinig ng apat na komite na tinatawag ngayon na Quad Committee.

Upang maging "light" muna ang pakikipag-usap kay Ong, tinanong ni Laguna Representative Dan Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, isa sa QuadCom, kung saan ito nagpakulay at nagpakulot ng buhok.

"[Parang] Last time you where here hindi ganyan ang buhok mo saka hindi ganyan curly," pansin ni Fernandez.

Paliwanag naman ni Ong, dati pa rin ang kulay ng buhok niya pero nag-DYI naman siya sa pagkulot nito sa pamamagitan ng pagtirintas.


Biro ni Fernandez, nagtatanong umano ang kapuwa niya mambabatas kung may salon sa detention facility ng Kamara na puwedeng magpakulay ng buhok.

Sa naturang pagdinig din, tinanong ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng dangerous drugs committee, over-all chairman ng QuadCom, ang education background ni Ong, pati ang kaniyang graduation picture.

Ayon kay Ong, hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at pumasok lang ng elementarya sa isang Chinese school sa Binondo, Manila.

Ipinaliwanag din ni Ong, na hindi talaga siya nagtapos sa ipinakitang larawan na nakasuot siya ng toga na para umano sa mga estudyante ng Alternative Learning System (ALS).

"Naki-picture lang po ako diyan," pahayag ni Ong, na sinabing sinubukan lang niyang dumalo sa ALS classes pero ilang beses lang.

Nahaharap si Ong sa money laundering at qualified trafficking charges dahil sa partisipasyon umano niya sa Whirlwind Corporation at Lucky South 99, na iniuugnay sa ilegal na operasyon ng POGO.

Sa naturang pagdinig, tinanong ni Fernandez si Ong kung sino sa kanila ni Duanren Wu, ang tunay na "boss" ng Whirlwind Corporation, dahil lumilitaw umano sa mga transaksyon ng pondo na mas malaki ang umikot sa account ni Ong kaysa kay Wu.

“Wala naman pong boss sa amin, Mr. Chair. Partnership naman po kami,” tugon niya.

--FRJ, GMA Integrated News