Kalaboso ang 45-anyos na sorbetero na inireklamo ng panghahalay sa ikinasang hot pursuit operation ng pulisya sa Brgy. Magsaysay, Quezon City.
Ang 13-anyos na biktima ay kapitbahay at step daughher ng katrabaho ng suspek.
Base sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), natutulog na ang buong pamilya nang pinasok ng suspek ang bahay.
Tinakpan daw ang bibig ng biktima para hindi makasigaw.
“Pumasok ito sa kanilang kwarto may dalang kutsilyo at may panyo na pinaamoy sa kanyang ilong kaya parang nanghina yung biktima natin at itinutok yung kutsilyo kaya nagawa yung panghahalay sa kanya,” ani Police Lt. Col. Macario Loteyro, ang station commander ng Project 6 Police.
Sa sobrang takot, hindi agad nakapagsumbong ang biktima.
“Parang may nararamdamang hindi maganda yung nanay niya talagang may gusto siyang paaminin sa anak niya. Doon na nagkwento ng tunay na nangyari itinuro nga yung katrabaho nila na doon din nakatira sa compound na tinutuluyan nila,” dagdag ni Police Lt. Col. Loteyro.
Dati nang nakulong ang suspek sa kasong frustrated homicide.
Itinanggi niyang pinagsamantalahan niya ang biktima.
“Wala po talagang katotohanan po,” giit ng suspek.
Nasa kustodiya ng Project 6 Police Station ang suspek na sinampahan ng reklamong statutory rape. --VAL, GMA Integrated News