Naaresto sa Davao City ang dating officer-in-charge ng Department of Budget and Management - Procurement Service (PS-DBM) na si Lloyd Christopher Lao, ayon sa Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa police report nitong Miyerkoles, sinabing dakong 11:00 am nang isilbi ng CIDG kay Lao ang arrest warrant na inilabas ng Sandiganbayan para sa kasong anti-graft and corrupt practices law na isinampa laban sa kaniya.
Itinakda ang P90,000 na piyansa para sa kaniyang pansamantalang paglaya.
Nitong nakaraang Agosto nang isampa ng Office of the Ombudsman ang kasong katiwalian laban kay Lao, at dating Health Secretary Francisco Duque III, dahil sa umano'y ilegal na paglilipat ng pondo para bumili ng mga gamit noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Batay sa criminal information na inihain sa Sandiganbayan, inilipat ng Department of Health ng P41 bilyong pondo nito sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) noong 2020 na panahon ng pandemic.
Ang pondo ay para umano bumili ng mga medical supplies para sa paglaban sa pandemic, kabilang ang detection kits, nucleic acid extraction machine, mechanical ventilator, personal protective equipment, surgical mask, cadaver bag, at mga test kits.
Ayon sa Ombudsman, pinayagan ni Duque ang ilegal na paglilipat ng pondo kahit hindi naman mapapabilis ang pagpapatupad ng layunin at ang ahensiya ang higit na may kapasidad at kakayahan na gawin ang pagbili kaysa sa PS-DBM.
Isinama si Lao sa kaso bilang pinuno noon ng PS-DBM, at pagtanggap sa P41 bilyon ng DOH, na naningil pa ng 4% procurement service fee na nagkakahalaga ng P1.65 bilyon.
Itinanggi ni Duque ang paratang at nagpahayag na tiwalang mapapawang-sala siya ng Sandiganbayan. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News