Nagulantang ang Lebanon nang sunod-sunod na sumabog ang mga "pager" na gamit na paraan para makatanggap ng maiigsing mensahe gaya ng text. Dahil sa mga pagsabog, siyam katao ang nasawi--kabilang ang isang bata, at 2,750 na iba pa ang sugatan.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang isang lalaki na bumibili sa isang supermarket sa Beirut sa Lebanon nang biglang sumabog ang kaniyang pager.
Natumba at napahiga sa sahig ang lalaki, habang napatakbo naman ang katabi niyang lalaki.
Hindi umano aksidente ng pagsabog ng baterya ang nangyari sa mga pager kung hindi sadyang pinasabog o isang pag-atake na tinatawag na "security breach" na isinisisi sa Israel.
Target umano sa naturang pag-atake ang mga miyembro ng Lebanese armed group na Hezbollah, na pager ang gamit na komunikasyon para hindi ma-track ng kalaban ang kanilang lokasyon at hindi malaman ang ipinapadalang mensahe.
Maliban sa siyam na nasawi, 200 sa mga sugatan ang malubha umano ang kalagayan.
Ayon kay Lebanese Health Minister Firas Al-Abiad, marami sa mga biktima ay mga fighter ng Hezbollah.
Kabilang din sa mga sugatan ang ambassador ng Iran sa Lebanon.
Nangyari ang mga pagsabog sa harap ng tumitinding hidwaan ng Israel at Iran-backed Hezbollah kaugnay ng giyera ng Israel laban sa Hamas sa Gaza.
Sa isang ulat ng Reuters, sinabing nasa 5,000 pagers umano ang sumabog.
Batay umano sa tatlong security sources, ang mga pager na sumabog ay latest model na binili ng Hezbollah. -- FRJ, GMA Integrated News