Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi niya talaga kaibigan si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., at nagkakilala lang sila nang magtambal para sa 2022 presidential elections.
Sa ambush interview ng mga mamamahayag sa Kamara de Representantes nitong Miyerkoles, sinabi ni Duterte na hindi sila nagkakausap ni Marcos bago mangyari ang Eleksyon 2022.
"Hindi naman kasi kami talaga nagkausap niyan. Hindi kami magkaibigan," sabi ni Duterte. "Nagkakilala lang kami dahil naging running-mate kami. Bago pa man kami naging running-mate, hindi na kami nag-uusap."
Patuloy ng bise presidente, nag-uusap lang sila ni Marcos noong panahon ng kampanya at kinalaunan ay dahil sa trabaho.
Ayon kay Duterte, ang talagang kaibigan niya ay ang kapatid ni Marcos na si Senador Imee Marcos.
"Ang kaibigan ko talaga ay si Senator Imee Marcos. Kilala niya ako since 2012," patuloy ng bise presidente.
Naging magkatambal at nanalo sa Eleksyon 2022 sina Marcos at Duterte sa ilalim ng Uniteam bilang presidente at bise presidente.
Itinalaga ni Marcos si Duterte bilang kalihim noong Department of Education (DepEd) noong June 2022.
Pero binitiwan ni Duterte ang naturang posisyon nitong nakaraang June dahil umano sa pakikialam nina Speaker Martin Romualdez at House Committee on Appropriations chair Rep. Elizaldy Co.
Itinanggi ni Co ang naturang paratang ni Duterte na tinawag niyang "budol" o panloloko.
BASAHIN: VP Sara, sinabing 'kinokontrol' nina Romualdez, Co ang nat'l budget; Co, tinawag na 'budol' ang bintang
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang panig ng Malacañang sa pamamagitan ng Presidential Communications Office (PCO) kaugnay sa mga pahayag ni Duterte.—mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News