Nasa 20 tao ang iniulat na nasawi, habang 14 na iba pa ang nawawala dahil sa epekto ng pag-ulan na dulot ng Habagat at dalawang bagyo na sina Ferdie at Gener, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa 8 a.m. bulletin ng NDRRMC nitong Miyerkoles, nakasaad na siyam ang nasawi sa Mimaropa, tig-apat sa Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, dalawa sa Zamboanga Peninsula, at isa Central Visayas.
Ayon sa NDRRMC, beniberipika pa ang naturang impormasyon tungkol sa mga nasawi
Samantala, bukod sa 14 na nawawala, mayroong 11 na nasugatan.
Umabot naman sa 597,870 katao o 156,524 pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon sa Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro, at Cordillera.
Karamihan sa mga naapektuhan ay mula sa Western Visayas na umaabot sa 256,593 katao o 73,512 pamilya.
Mayroong 62,995 katao o 16,926 pamilya ang dinala sa evacuation centers, bukod pa sa 34,265 tao o 8,592 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang lugar.
Umabot naman sa 141 n bahay ang nawasak, at 789 ang nagtamo ng pinsala.
Pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) si Freddie noong September 13 at lumabas din sa sumunod na araw. Habang si Gener, naging bagyo noong September 16, at lumabas ng PAR ngayong Miyerkoles.
Bagaman nasa labas na ng PAR si Gener, sinabing palalakasin pa rin nito--at ng bagong bagyo na si Helen--ang Habagat, na magdudulot ng pag-ulan sa maraming lugar sa bansa.
Sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA, inaasahan na lalabas na rin ng PAR si Helen sa Miyerkoles ng hapon o gabi.
"Throughout the forecast period, Helen will remain far from the Philippine landmass and will not directly affect any part of the country," ayon sa PAGASA.
Inaasahan pa rin ang pag-ulan sa maraming lugar sa susunod na 24 oras:
Heavy to intense rains
Palawan
Occidental Mindoro
Zambales
Bataan
Moderate to heavy rains
Metro Manila
Pangasinan
Batangas
Cavite
the rest of MIMAROPA
"Forecast rainfall are generally higher in elevated or mountainous areas," ayon sa PAGASA. —mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News