Inaresto ng pulisya ang 32-anyos na electrician matapos mabilhan ng droga sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Vasra sa Quezon City.
Nakuha sa kanya ang nasa 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000.
Ayon sa pulisya, ilang araw din nilang minanmanan ang mga transaksyon ng suspek.
“Base sa confidential informant natin, ito ay lantaran na nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot o shabu. Nung vinerify natin may previous arrest na pala ito,” ani Police Lt. Col. Macario Loteyro, ang station commander ng Project 6 Police.
Kabilang ang suspek sa drugs watchlist ng barangay at pulisya.
Taong 2019 nang una siyang maaresto dahil sa kasong may kinalaman sa droga.
June 2022 nang siya ay makalaya pero aminadong bumalik ulit sa pagbebenta ng shabu.
“Kakulangan po sa pera (pero sa 'yo nakuha lahat ng droga?) opo sir,” sabi ng suspek.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — BAP, GMA Integrated News