Isang content creator ang kinagat ng asong hinawakan niya, may paalala ang isang eksperto na hindi basta-basta hinahawakan ang mga aso.
Sa report ni Katrina Son sa "State of the Nation," makikita sa video ni Lauren ang paghawak at pagkatapos ay nakagat ng isang K-9 ng isang hotel.
"Nandun ako, nagre-retouch ako. Pagtingin ko lumalapit sa akin yung guard at saka yung dog," sabi ni Lauren.
Dahil mahilig siya sa aso, hindi siya nag-atubili na lapitan siya ng K-9. Gagawin din daw niya na content, kaya inihanda niya ang kanyang cellphone camera.
Nakagat si Lauren sa mukha at sa kamay.
Aminado si Lauren na mali ang ginawa niya at posibleng nagulat o na-threaten sa kanya ang aso.
Dinala siya ng staff ng hotel sa ospital para mabakunahan.
"Naging lesson ko yung ano, huwag basta-basta hahawak ng kahit anong pet," sabi ni Lauren.
K-9 dog training
Ayon kay Dr. Abel Manalo, isang beterinaryo at expert K-9 trainer, may mga aso na talagang trained to detect, guard and protect tulad ng ginawa ng aso kay Lauren.
"Yung aso po kasi, kasi hindi naman ordinary dog yun e. Belgian malinois po yun na K-9. Yung mga K-9 units hindi po dapat pine-pet yan. Kasi hindi naman sila therapy dog, hindi sila pet dog. Nandun sila para mag-work," ayon kay Manalo.
May mga K-9 na may collar kung saan nakasulat, "Do not pet."
Maaari daw na-trigger ang aso kaya nangagat.
"Baka yung taas ng frequency ng boses ng babae, nung lumapit na siya masyadong dumikit yung babae," ayon kay Manalo.
Mga senyales na agresibo ang aso
May mga senyales na posibleng maging agresibo ang aso anuman ang breed nito:
- Naninigas ang katawan o hindi komportable ang aso
- Kung ang tainga ay nakadapa
- Hindi mapakali
- Nakatupi ang buntot
Lagi ring tandaan na hindi dapat basta-basta hinahawakan ang mga aso. — BAP, GMA Integrated News