Sa kabila ng paggiit nina Sual, Pangasinan Mayor Liseldo "Dong" Calugay at dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na magkaibigan lang sila, inalam ni Senadora Risa Hontiveros ang nakalap niyang impormasyon na mayroon umanong anak ang dalawa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado nitong Martes, tinanong ni Hontiveros ang executive secretary ni Calugay na si Cheryl Ordoña-Medina tungkol sa relasyon ng alkalde at ni Guo.
"In fact, may nakuha po kaming impormasyon na kayo mismo nagsabi sa kanila na girlfriend ni Mayor Calugay si Guo Hua Ping [Alice]. Bukod pa diyan, kinuwinento niyo pa raw sa kanila na may anak silang dalawa," sabi ni Hontiveros patungkol kay Medina.
Gayunman, itinanggi ito ni Medina at sinabi rin na walang ugnayang romantiko at negosyo sina Calugay at Guo.
"Wala po, your honor. Wala po," sagot ni Medina.
Ipinaalala ni Hontiveros kay Medina na "under oath" siya at nililinaw nila sa ginagawa nilang pagdinig ang koneksyon at tunay na relasyon nina Calugay at Guo.
"You are under oath, Miss Cheryl. Ibig sabihin hindi lang kayo pina-fact-find dito. Marami pa pong nagsasalita at kino-corroborate namin," sabi ni Hontiveros.
"For the record, Miss Cheryl, hindi kayo ang target namin. Gusto naming tukuyin kung kayo ay ginawang dummy ni Mayor Calugay pero madadawit po kayo kahit sa mga sa alam naming ginawa nila kung hindi kayo magsasabi ng totoo,” paliwanag pa ng senadora kay Medina.
Sa naturang pagdinig, nagpakita ng mga larawan ang mga senador na suot ni Calugay ang campaign shirt ni Guo kapag nangangampanya.
May tila couple shirt din ang dalawa sa larawan.
Gayunman, nanindigan si Calugay na magkaibigan lang sila ni Guo, at nagkataon lang umano na magkapareho ang kanilang damit.
BASAHIN: Sual, Pangasinan mayor Calugay, nanindigan na kaibigan lang niya si Alice Guo
Sa unang bahagi ng pagdinig, inamin ni Medina na nagkaroon siya ng partisipasyon sa pagproseso ng mga dokumento tungkol sa isa sa limang fish farms na hinihinalang business ventures nina Guo at Calugay.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat nakialam si Medina sa pagproseso ng mga dokumento sa naturang isang fish farms dahil isa siyang government official.
Ipinaliwanag ni Medina, na hindi siya ang may-ari nang sinasabing aqua farm, na hindi rin umano operational.
Nag-aplay umano siya ng rehistro nito pero hindi na itinuloy nang malaman niya na hindi maaaring pumasok sa naturang negosyo ang mga kawani ng gobyerno.
Inamin naman ni Medina na ilang beses niyang nakita si Guo sa Sual ngunit wala siyang alam tungkol sa romantikong relasyon o negosyo ng dalawa.
Tinanong din si Medina ng mga senador dahil sa paglapit nito sa kaniya ng secretary ni Guo na si Cath Salazar para magpatulong sa paghahanap ng notary public na magpoproseso sa counter-affidavit ng dating alkalde tungkol sa reklamong human trafficking na inihain sa Department of Justice.--mula sa ulat nina Hana Bordey/Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News