May mga person of interest (POI) na ang kapulisan sa nangyaring pagbaril at pagpatay sa isang pulis at asawa nito sa loob ng kanilang bahay sa Muntinlupa City nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing inilibing na ang mag-asawang Police Captain Aminoden Mangonday at kaniyang asawa na si Mary Grace, alinsunod sa kanilang relihiyon.
Ayon sa pulisya, dakong 1:10 am nang pasukin ng salarin ang bahay ng mga biktima at binaril ang pulis na nagpapahinga noon sa sofa.
Nagtungo pa umano ang salarin sa isang kuwarto at binaril din ang ginang na si Mary Grace.
Nang magising ang isa nilang anak na 12-anyos at kakapagdiwang lang ng kaarawan, binaril din ito ng salarin.
Nakaligtas ang bata na dinala sa ospital para operahan, ayon kay Police Captain Fernando Niefes, Chief Investigation, Muntinlupa Police.
Sinabi pa ni Niefes na pagod noon ang pamilya na kagagaling lang sa outing kung saan ipinagdiwang ang kaarawan ng kanilang anak.
Mayroon na umanong POI ang pulisya sa nangyaring krimen at isa ang away sa negosyo sa tinitingnan nilang motibo sa krimen.
"Isang anggulo 'yon na tinitingnan na yung isang biktima natin si Mary Grace ay idinemanda po 'yung tatlong personalities po ng theft dati po niyang empleyado," sabi ni Niefes. "Online live selling ng cosmetics. Dahil sa matagal na nitong nasimulan malaki na ang involved na pera.
Hindi pa muna nagbigay ng detalye si Niefes tungkol sa katauhan ng mga PIO dahil nasa proseso pa umano sila ng "elimination."
Sa Facebook post, mariing kinondena ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang ginawang pag-atake sa pamilya ni Aminoden.
"This act of violence against a law enforcement officer and his family should be investigated thoroughly, leaving no stone unturned to find the perpetrators and the mastermind and prosecute them," pahayag ng alkalde.
"The people of Muntinlupa mourn for this loss of a fellow public servant and his wife," dagdag ni Biazon.-- FRJ, GMA Integrated News