Palaban ang mga pahayag ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa harap ng arrest warrant na inilabas ng Quad Committee ng Kamara de Representantes matapos siyang i-contempt dahil sa hindi pagsusumite ng mga dokumento tungkol sa yaman ng kaniyang pamilya.
Sa kaniyang live video na ipinost sa Facebook, tinawag ni Roque na “power tripping” ang ginawa ng mga kongresista na miyembro ng apat na komite na nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa ilegal na operasyon ng Philippine offshore gaming operators (POGO).
Giit ni Roque na spokesperson noon ng administrasyong Duterte, hindi siya "pugante" kaugnay sa paghahanap sa kaniya para isilbi ang arrest warrant.
“Hindi ako pugante dahil ako po ay lumabag sa batas. Pugante ako sa Kongreso lamang, wala po akong pakialam. Dahil ang tingin ko naman kung ay na-cite in contempt of Congress, ang Kongreso naman po ay cited in contempt of the people of the Philippines,” ayon kay Roque.
“Hindi po tama yung ginagawa nila, pasigaw-sigaw, kapag ayaw ng sagot contempt kaagad. Nagpa-power tripping na po sila,” patuloy niya sa video.
Nitong nakaraang linggo, nagpasya ang “QuadComm” na i-contempt si Roque matapos na hindi dumalo at pagdinig at hindi isinumite ang hinihingi sa kaniyang mga dokumento na magbibigay katwiran sa paglago ng yaman ng kaniyang pamilya.
Ayon sa komite, mula sa P124,000.00 na yaman ng Biancham Holdings and Trading noong 2014, lumago ito sa P67.7 milyon noong 2018.
Ayon kay Roque, ilegal ang kautusan ng Kamara na arestuhin at idetine siya kaya kukuwestiyunin niya ito sa Korte Suprema at hihintayin ang desisyon.
“Ang tanong, magpapaaresto ba ako o hindi? Naniniwala kasi ako na kapag ang Kongreso ay lumabag sa kaniyang kapangyarihan at naging guilty of abuse of power at grave abuse of discretion amounting to lack of jurisdiction, iligal po ang kanilang order,” sabi ng dating opisyal.
“Kinikilala ko po na kinakailangang magkaroon ng desisyon sa Korte Suprema, kaya aantayin ko po ang desisyon ng Korte Suprema,” patuloy niya.
Habang hinihintay ang desisyon ng SC, sinabi ni Roque na hindi niya isusuko ang kaniyang kalayaan.
BASAHIN: Barbers kay Roque: Magpakalalaki at tuparin ang ipinangako sa QuadCom
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, isa sa mga pinuno ng Quad Committee, hihintayin ng komite si Roque hanggang sa Huwebes para dumalo sa pagdinig.
Sinabi ni Barbers, mahalagang patunayan ni Roque na hindi galing sa ilegal na POGO ang pagdami ng yaman ng kaniyang pamilya kaya mahalaga na maipakita nito ang mga hinahanap na dokumento ng mga mambabatas.—FRJ, GMA Integrated News