Sa gagawing deliberasyon ng Kamara de Representantes sa panukalang P6.352 trillion national budget para 2025, nagbigay ng babala si Speaker Martin Romualdez laban sa mga magmamaliit sa tungkulin ng mga kongresista na himayin ang pondo ng bawat ahensiya ng pamahalaan.
“We cannot ignore the reality that there are those who seek to undermine our work - critics who speak of accountability while conveniently ignoring their own misuse of public funds. To these individuals, I say, let us be clear: this chamber will not tolerate hypocrisy, nor will it stand idle in the face of such blatant disregard for public trust,” ayon kay Romualdez.
“Hindi maaaring magturo ng daliri ang may sariling kasalanan. Sa harap ng Kongreso, lahat ay dadaan sa tamang proseso, at walang makakatakas sa pananagutan,” dagdag niya.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag kasabay ng pagsisimula ng Kamara na talakayin na sa plenaryo ang panukalang pondo ng gobyerno--kabilang ang bawat ahensiya nito--para sa taong 2025.
Nitong nakaraang linggo, nagdesisyon ang House appropriation committee na bawasan ng P1.29 bilyon ang hinihinging mahigit P2 bilyon na pondo ng Office of Vice President (OVP).
Ang desisyon ay ginawa ng komite makaraang tumanggi si Vice President Sara Duterte na sagutin ang mga tanong ng mga kongresista tungkol sa paggamit niya ng pondo sa nagdaang mga taon, maging ang P10 milyon pondo na nais niyang ilaan sa pag-imprenta ng mga libro na "Isang Kaibigan" para sa 2025.
Ayon kay Romualdez, patuloy na ipatutupad ng kaniyang liderato sa Kamara ang transparency at accountability sa pamamagitan ng pagsusuri sa gagastusin ng mga ahensiya at kung naayon ito sa prayoridad ng pamahalaan.
“This House answers to no one but the people. We will stand firm against pressure or influence, and we will guard every peso as if it were our own. The eyes of the nation are on us, and we will not fail them,” giit niya.
“Ang pera ng bayan ay hindi para sa pansariling pakinabang ng iilan. Tungkulin natin na tiyakin na bawat piso ay ginagamit para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” patuloy niya.
Una rito, sinabi ni House appropriations panel senior vice chairperson at Marikina Representative Stella Quimbo, na rekomendasyon pa lang at hindi pa pinal ang ginawang pagtapyas sa P1.29-bilyon sa pondo ng OVP.
Aniya, tatalakayin at pagdedebatihan pa ito sa plenaryo sa sandaling isalang na sa deliberasyon sa lahat ng mga mambabatas ang naturang panukalang budget ng gobyerno.
"Then after that, it will still be subject to the President’s approval. And the President can veto line items. That is how long the budget process is," ani Quimbo.
Kasama sa plano ng komite na hatiin at ilipat ang aalising pondo mula sa OVP patungol sa Department of Health at Department of Social Welfare and Development, na ilalaan sa mga programa para sa mga taong nangangailangan ng tulong. -- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News