Hinamon ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na humarap sa ginagawang imbestigasyon ng apat na komite sa Kamara de Representantes (Quad Committee) sa halip na idaan ang sintemyento sa pag-post sa social media.
Ginawa ni Barbers ang pahayag nitong Biyernes, kasunod ng post ni Roque sa social media nitong Huwebes, na sinasabing hinusgahan na siya ng QuadCom na nagsisiyasat tungkol sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
"Kahit na isumite ko ang kanilang hinihiling na mga dokumento, hahanap at hahanap pa rin sila ng paraan para ako ay madiin... In the eyes of QuadCom, I am guilty until proven innocent," ayon sa dating opisyal.
"I reiterate: What crime did I commit? File the appropriate charges in the proper court of law. Haharapin po ang mga reklamo sa korte," sabi pa ni Roque.
Ang pahayag ni Roque ay bunsod pag-cite in contempt sa kaniya ng QuadCom at iniutos na idetine siya sa Kamara dahil sa hindi niya pagsipot sa pagdinig nitong Huwebes, at kabiguang isumite ang mga dokumento na magpapaliwanag tungkol sa paglago ng yaman ng kaniyang pamilya.
Giit ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na kabilang sa QuadCom, si Roque ang unang nangako na isusumite ang naturang mga hinahanap na dokumento.
“He was cited in contempt for the second time because he was the one who promised that he will submit these documents we are asking from him, but he went back on his word," ayon sa kongresista.
"The problem with him is that he has a lot to say outside of the QuadCom. Face us and justify your actions face-to-face. Also, please be man enough and stand by what you promised to deliver to the panel,” hamon ni Barbers.
Nitong Biyernes, sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na dinala na sa tanggapan ni Roque sa Makati ang arrest warrant kaugnay ng pag-contempt sa kaniya ng komite.
Pero hindi umano tinanggap ng tauhan ni Roque sa opisina ang arrest warrant.
Iniimbestigahan ng komite ang koneksyon ni Roque sa POGO operation.
Una rito, sinabi ni Roque na nagbibigay siya ng legal na tulong ng Whirlwind Corporation, ang may-ari ng lupain kung saan nakatayo ang sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Sa isang pagdinig naman ng komite sa Senado noong nakaraang buwan, sinabi ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco, na sinamahan ni Roque ang isang Kassandra Li Ong, na authorized representative ng Lucky South 99, sa pakikipagpulong sa kaniya noong July 2023 kaugnay sa hindi nababayarang arrers ng POGO firm at para mabigyan muli ito ng lisensiya. --mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News