Dinakip ang isang 19-anyos na lalaki na inireklamo ng sextortion ng dati niyang live-in partner sa Angono, Rizal. Ang suspek, nakuhanan din ng improvised shotgun at drug paraphernalia.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, isinalaysay ng biktima na pinagmamalupitan siya ng suspek at nagbanta pa umanong ipakakalat ang kanilang mga pribadong video kung hindi siya makikipagkita rito.
Iniulat ito ng biktima sa barangay, at nag-ulat naman ang barangay sa Angono Police.
Tinungo ng pulisya sa kaniyang bahay ang suspek, na hindi na nanlaban pa.
Dagdag ng pulisya, maliban sa sumbong ng dating ka-live in, nahulihan din ang suspek ng improvised shotgun at iba't ibang drug paraphernalia.
Nahaharap ang lalaki sa mga reklamong illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Nangunguha pa ang mga awtoridad ng mga karagdagang ebidensiya para sa reklamong extortion.
Pinabulaanan ng suspek ang mga alegasyon laban sa kaniya.
"Wala pong katotohanan 'yan," sabi ng suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News