Timbog ang 23-anyos na lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa Barangay UP Campus sa Quezon City.
Nakuha mula sa suspek ang nasa pitumpu’t limang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P500,000.
Ayon sa pulisya, itinututuring na high value target ang suspek na dumarayo pa sa Quezon City mula sa Rizal province.
“Ang area of operation ng ating suspect ay sa Taytay, Rizal, Antipolo and of course dito sa Quezon City. Ang mga parokyano niya ‘yung mga construction workers, ‘yung mga tambay doon sa area at ‘yung mga iba pang mga tricycle drivers,” ani Police Captain Febie Madrid, ang tagapagsalita ng Quezon City Police District (QCPD).
Dagdag ng pulisya, natunton nila ang suspek matapos madiskubreng katransaksyon siya ng unang naarestong lalaki noong nakaraang buwan.
Nasabat noon ang nasa limampung gramo ng shabu na ibinalot sa mga tela at basahan, at pinagmukhang parcel para hindi mahalata.
Bahagi raw ito ng modus ng suspek.
“They deliver the items, the illegal drugs, through online transaction. Ito po dinadala ng mga courier doon sa kanilang mga parokyano,” ani Madrid.
Aminado ang suspek na isang taon na siyang nagbebenta ng droga.
“Sobrang pinagsisihan ko po ‘yun. Nagpupunta punta lang po ako rito kapag may umoorder sa akin ng droga,” sabi ng suspek ng mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Inaalam pa ng pulisya ang pinaka source ng droga. — BAP, GMA Integrated News