Nahuli-cam ang maliksing panloloob at pagtakas ng isang lalaki sa isang bahay sa Rodriguez, Rizal. Ang suspek na napag-alamang isa palang delivery rider, sinaktan pa umano ang tao sa loob ng bahay.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV footage ang isang lalaki nakasuot ng puting t-shirt na dumating sa harapan ng isang bahay sa Barangay Manggahan.

 

Ilang saglit pa, inakyat na ng lalaki ang bahay gamit ang kalapit na poste ng ilaw.

Sapul din sa CCTV ang paglabas ng suspek galing sa second floor ng bahay, na wala na noong damit pang-itaas.

Agad na tumakas ang lalaki pababa sa poste ng ilaw.

Isinalaysay ng biktimang babae na maliban sa pagnanakaw, sinaktan din siya ng suspek, at kaniyang ipinakita sa pulisya ang kaniyang mga tinamo.

Nakuha umano mula sa kaniya ng suspek ang bag niyang may wallet na may lamang P3,000 at mga ID.

Pagkasumbong ng biktima sa pulisya, nagkasa ng follow-up operation sa pagtugis sa suspek, na natukoy bilang isang delivery rider.

"Ang modus po nito, dahil nga delivery rider, habang nagde-deliver ng kaniyang mga parcel ay naghahanap ng posibleng mabibiktima. Bale ang narekober lang po na ebidensiya laban sa kaniya ay 'yung t-shirt niya na naiwan sa bahay. Subalit 'yung nanakaw na bag na may lamang pera at ID hindi na narekober sa suspek," sabi ni Police Lieutenant Colonel Arnulfo Silencio, hepe ng Rodriguez, Rizal Police Office.

Sa pamamagitan ng tip galing sa barangay, natuklasang sinubukang bumalik ng suspek sa pinangyarihan ng krimen upang hanapin niya ang nawawala niyang t-shirt.

Dito na na-track ang pagkakakilanlan ng suspek at kaniyang tirahan sa kalapit na Barangay San Isidro kung saan siya nadakip.

"No comment ako roon sir," sabi ng suspek ula sa kanyang selda.

Nahaharap ang suspek sa kasong robbery at physical injury dahil sa pananakit sa biktima.
—Jamil Santos/RF, GMA Integrated News