Nakasumbrero at may takip sa mukha nang iprisenta sa mga mamamahayag si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy bilang detainee sa press conference na ginanap sa Camp Crame sa Quezon City nitong Lunes.
“Ngayong araw na ito ay aming pong ihaharap sa publiko, si Pastor Apollo Quiboloy at ang iba pa niyang mga kasama na nasa kustodiya na po ngayon ng Philippine National Police,” pahayag ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Nakasuot ng orange t-shirt si Quiboloy at ang kaniyang mga kasama na binabantayan ng mga tauhan ng PNP.
Ayon kay Abalos, ilang testigo ang nagbigay ng impormasyon sa partikular na kinaroroonan ni Quiboloy habang hinahanap siya ng mga pulis sa KOJC compound sa Davao City upang isilbi ang arrest warrant laban sa kaniya.
“Final assault na 'yan dahil na pinpoint na kung nasaan nga talaga siya. All of these pictures will prove that all the while tama ang intelligence report, tama ang operasyon,” sabi pa ni Abalos.
“Maski anong pigil ang gawin sa amin na kung sinong kampo, still tiniis po ito ng pulis, maski anong pananakot ang ginawa, tumuloy-tuloy kami. And the rest is history,” dagdag niya.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo ng gabi, sumuko si Quiboloy matapos na bigyan ng ultimatum sa loob ng 24 oras, kung hindi ay papasukin na ang lugar na kaniyang kinalalagyan.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nagsimula ang negosasyon dakong 1:30 p.m. nitong Linggo.
Sumuko si Quiboloy sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) pagsapit ng 5:30 p.m.
Nasa kustodiya na rin ng awtoridad sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Crisente Canada, at Syliva Cemañes.
Mula sa Davao City, inilipad si Quiboloy pa-Maynila at nadala sa Camp Crame sa Quezon City pagsapit ng 9:10 p.m.
Sinabi naman ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon, nagpasya si Quiboloy na sumuko para matapos na umano ang "lawless violence" sa KOJC compound.
“...Pastor Apollo C. Quiboloy decided to surrender to the PNP/AFP because he does not want the lawless violence to continue to happen in the KOJC Compound,” ani Torreon.
“...He could not bear to witness a second longer the sufferings that his flock was experiencing for many days,” dagdag niya.
Nahaharap si Quiboloy sa iba't ibang kaso tula ng paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, at qualified human trafficking.
May hiwalay na mga kaso ring kinakaharap si Quiboloy sa Amerika.
Mariin namang itinatanggi ng kampo ni Quiboloy ang mga paratang.
Sinimulan ng mga pulis na pasukin ang KOJC compound noong Agosto 24.—mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News