Sa kulungan ang bagsak ng 54 anyos na security guard matapos niyang barilin ang isang palaboy na babatuhin umano siya ng bato.
Sapul sa tagiliran ang biktima na agad naman dinala sa ospital.
Ayon kay Police Maj. Mike Diaz, Deputy Station Commander ng Quezon City Police District Station 10, sa tapat mismo ng restaurant na binabantayan ng security guard sa Barangay Central, Quezon City nangyari ang pamamaril.
“Itong biktima natin umakto na babatuhin ng bato iyong suspek at agad naman bumunot iyong suspek (ng baril) at pinaputukan ‘tong biktima. Tatlong beses,” ani Diaz.
Kuwento ng suspek, sinita niya ang biktima na natutulog umano sa harap ng kainan.
“Kinausap ko nga siya nang mahinahon na umalis siya kasi siyempre, dadating na iyong mga customer….Eh imbis na umalis siya, sinigawan pa niya ako. Masyadong matapang,” ayon sa suspek.
Dinepensahan lang daw niya ang sarili dahil kumuha umano ng malaking bato ang biktima para ibato sakaniya.
Mabilis lang daw ang mga pangyayari matapos sila magkainitan ng ulo ng biktima.
“Kahit ako nga nagulat…Nagsisi naman, siyempre, kasi nakulong na ako. Wala naman ako magawa kasi biglaan ang pangyayari. Hindi naman napigilan. Siyempre, self defense naman talaga ang nangyari,” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Diaz, nasa kamay ng prosecutor ang pagtimbang kung maituturing na self defense ang pamamaril.
“Magba-base nalang tayo sa assessment ng prosecution kapag sinampa na iyong complaint,” sabi ni Diaz.
Reklamong frustrated homicide ang haharapin ng suspek. — BAP, GMA Integrated News