Sinabi ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. na walang nangyaring palitan ng bilanggo sa Pilipinas at Indonesia kasunod ng pagpayag ng huli na ibalik sa Manila ang sinibak na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na kanilang naaresto noong Miyerkules.
Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Palasyo nitong Biyernes, nilinaw ni Marcos na walang opisyal na kahilingan mula sa pamahalaan ng Indonesia na magkaroon ng kapalit na preso ang pagpayag nilang i-deport sa Pilipinas si Guo.
''There was... because lumabas sa isang article sa Indonesia na dapat mag-swap pero hindi official 'yun because an article came out in Indonesia suggesting a swap but it was never official,'' paliwanag ni Marcos sabay giit na walang "swap" na nangyari.
Ayon sa pangulo, nakatulong ang pagpunta niya noon sa Indonesia upang magkaroon ng mga "kaibigan" na nakatulong sa pakikipag-usap para madakip at maiuwi sa Pilipinas si Guo.
''Kinakausap natin ang mga kaibigan sa Indonesia. Buti na lang marami tayong naging kaibigan na dahil sa pagpunta-punta ko sa mga iba’t ibang bansa... Indonesia being one of them at naging malapit kami ni President Jokowi... naging bahagi 'yon kahit na hindi ganoon kasimple ang pag-transfer,'' ani Marcos.
Noong Miyerkules naaresto sa isang hotel sa Tangerang City sa Indonesia si Guo. Nakalabas ng Pilipinas ang dating alkalde noong July kahit nasa immigration lookout bulletin ang pangalan.
Una rito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hihilingin umano ng Indonesian government na maging kapalit ng pagbabalik ni Guo sa Pilipinas ang drug suspect na si Gregor Johan Haas, na wanted sa kanilang bansa pero naaresto sa Pilipinas.
Naibalik na si Guo sa Pilipinas sakay ng private plane nitong Biyernes ng madaling araw.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News