Dalawang estudyante at dalawang guro ang nasawi sa pamamaril na nangyari sa isang paaralan na pang-high school sa Georgia, USA. Ang suspek, isang 14-anyos na estudyante na kinausap ng mga awtoridad noong 2023 dahil sa pagbabanta online na mamamaril sa paaralan.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nangyari ang pamamaril sa Apalachee High School sa Winder, Georgia nitong Miyerkules.
Ayon kay Chris Hosey, director ng Georgia Bureau of Investigation, naaresto ang suspek na kakasuhan at lilitisin gaya ng isang adult.
Napag-alaman na kinausap na ng mga awtoridad noong nakaraang taon ang suspek dahil sa pagbabanta nito online na mamamaril sa eskuwelahan.
Sinabi ni Barrow County Sheriff Jud Smith, na armado ang suspek ng "AR platform style weapon," o semiautomatic rifle. Hindi na umano ito lumaban nang makaharap ang rumespondeng mga awtoridad.
Pinaniniwalaan na mag-isa lang niyang ginawa ang krimen, pero inaalam ng mga imbestigador kung may nagtulak sa kaniya para gawin ang krimen.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na dalawang estudyante na kapuwa 14-anyos na sina Mason Schermerhorn at Christian Angulo, at mga guro na sina Richard Aspinwall, 39-anyos, at Christina Irimie, 53.
Siyam naman ang nasugatan na dinala sa pagamutan at inaasahang makaka-recover.
"Pure evil did what happened today," ani Smith.
Ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI), isang 13-anyos na estudyante ang inimbestigahan at kinausap ng mga awtoridad, pati ang kaniyang ama dahil sa online threats na mamamaril sa paaralan noong 2023.
Hindi tinukoy ng FBI sa pahayag kung sino ang binatilyo, pero sinabi ng Georgia officials na may kinalaman ito sa suspek na nasa kostudiya nila.
"The father stated he had hunting guns in the house, but the subject did not have unsupervised access to them. The subject denied making the threats online. Jackson County alerted local schools for continued monitoring of the subject," ayon sa FBI, na idinagdag na walang basehan noon para arestuhin ang binatilyo.
Dahil sa bagong insidente ng mass shooting na nangyari sa paaralan, nabuhay na naman ang debate sa Amerika tungkol sa gun control.
Pinakamadugong insidente ng pamamaril sa paaralan sa Amerika ang nangyari sa Virginia Tech noong 2007 na mahigit 30 ang nasawi.
Noong 2022, 19 na bata at dalawang guro ang nasawi sa pamamaril sa isang elementary school sa Texas. Ang suspek, 18-anyos lang. --FRJ, GMA Integrated News