Ipinangako ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na itataas pa nito ang benepisyo para sa mga miyembro na magpapagamot ng panibagong 30 porsiyento bago matapos ang 2024.
Ginawa ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr., ang pangako sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang budget ng Department of Health (DOH) para sa 2025.
“Currently, Madam Chair, we are in the process of studying another round of 30% almost across the board,” sabi ni Ledesma.
“I can commit to this honorable committee that it will happen on or before Christmas Day. So before the year ends, we will have another round of 30% [increase], so that we'll leave a total of 60% or more than 50% increase, almost across the board,” pagtiyak ng opisyal.
Nitong nakaraang Pebrero nang magpatupad ng hanggang 30% increase ang Philhealth sa benefit case packages para mabawasan ang perang bubunutin ng pasyente sa pagpapagamot.
Sa ilalim ng Circular No. 2024-0001, ginamit ng PhilHealth ang epekto ng inflation sa ginawang pagtaas ng 30% sa existing case rates.
Pero kasama ring ipinatupad ngayong taon ang pagtaas ng premium o kontribusyon ng mga miyembro sa 5%, alinsunod sa itinatakda ng Universal Health Care law.
Nauna nang sinabi ni Ledesma na irerekomenda nila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibaba ang kontribusyon ng mga miyembro.
Pero inirekomenda ni Finance Secretary Ralph Recto, however, na itaas na lang benefits packages sa mga miyembro para mabawasan ang out-of-pocket medical expenses ng Pilipino.—FRJ, GMA Integrated News