Nasayang ang pagod ng isang arestadong Chinese Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) worker na nagtangkang umeskapo sa detention facility at sinamantala ang malakas na buhos ng ulan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, nahuli-cam sa CCTV camera sa rooftop ng detention facility ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang ginawang pagtakas ng lalaking Chinese.
Pero nabisto ng mga tauhan ng PAOCC na nagroronda sa pasilidad sa ginawa ng Chinese nang iwan niya sa rooftop ang kaniyang sapatos.
Nakababa na umano ng pasilidad ang Chinese nang maabutan at madakip na nagtamo ng mga sugat sa katawan dahil sa dinaanan nitong barbed wire.
“Dumaan pa siya sa bubong so maingay siyempre. Actually, sixth floor tapos bumagsak ng fifth floor tapos nagbaba-baba pa siya. Later, ipapa-check natin likod niya kasi may nararamdaman na parang masakit likod niya,” ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz.
Ayon sa PAOCC, kabilang ang Chinese sa mga nasakoteng dayuhan sa POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Hinihinala ni Cruz na nais tumakas ng Chinese dahil nabalitaan na nila na ipapa-deport na sila sa China.
“Ang tingin kasi namin dito nabalitaan na nila na they will be deported in the few days. Siguro kanina yung pinakamagandang timing kasi malakas yung ulan. Takot nga talaga sila sa China. Pag-uwi nila kasi natutuluyan sila doon. Karamihan ng mga pina-deport namin doon hanggang ngayon nakakulong pa,” sabi ni Cruz.--FRJ, GMA Integrated News