Nasawi ang isang lalaki matapos siyang undayan ng saksak ng kaalitan niya umanong katrabaho sa Caloocan City.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing aalis na sana ng kanilang opisina sa Llano ang biktima sakay ng motor.

Ilang saglit lang, sinalubong siya ng kaniyang katrabaho at isa pang lalaki saka siya inundayan ng saksak.

Ilang tao ang nakakita sa insidente ngunit hindi tinulungan ang biktima.

Agad kumaripas ng takbo ang nanaksak na suspek.

Sinabi ng pulisya at katrabaho ng biktima na hindi bababa sa 10 saksak ang tinamo nito.

Alitan sa trabaho ang pinag-ugatan umano ng pananaksak.

“Bago ‘yung pananaksak, nagtatalo na ‘yung dalawa dahil nga sa trabaho. Dahil itong si biktima ay supervisor at naka-discover ito ng kapabayaan sa trabaho ni suspek,”

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa suspek at kapatid nitong humarang sa biktima.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News