Timbog ang isang lalaki matapos niyang saksakin ang dalawa niyang kaibigan habang nasa inuman sa Valenzuela City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip at agad pinosasan ang 24-anyos na suspek sa follow-up operation ng pulisya sa Barangay Malinta.
Nabawi mula sa kaniya ang patalim na ginamit sa krimen.
Patay sa insidente ang 23-anyos na kaibigan niyang lalaki matapos magtamo ng saksak sa likod at tagiliran.
Sugatan naman ang isa pa niyang kaibigan na 28-anyos na lalaki, na nagtamo ng saksak sa braso.
Positibong kinilala ng sugatang biktima sa ospital ang suspek na siyang sumaksak sa kaniya.
Ayon sa Valenzuela Police, may nakaalitan ang suspek sa pinuntahan nilang pagdiriwang ng kaarawan, at iniuwi siya ng dalawa niyang kaibigan. Doon, ipinagpatuloy nila ang kanilang pag-iinuman.
Gustong bumalik ng suspek sa kaniyang nakalitan ngunit pinipigilan siya ng dalawa. Hanggang sa mag-init na ang ulo ng suspek at pinagbalingan ang dalawa niyang kaibigan.
Pagkarating ng suspek sa estasyon ng pulisya, nadiskubre ng mga awtoridad na top 10 most wanted at may kinahaharap din palang kaso sa Northern Samar ang suspek. Isinilbi warrant of arrest sa kaniya dahil sa kasong frustrated murder.
Nangyari ang insidente noong 2022.
Sinampahan na ang suspek ng mga reklamong homicide at frustrated homicide para sa pagsaksak sa kaniyang mga kaibigan.
Labis ang pagsisisi ng suspek sa kaniyang nagawa.
"Aminado po ako na may kasalanan din ako kasi nalaman ko na lang na hinuli na ako ng mga pulis. Naghingi na lang po ako ng sorry kung ano ang nagawa ko sa pamilya nila kasi hindi ko po rin alam 'yung nangyayari sa akin kasi sobrang kalasingan ko," sabi ng suspek.
"'Yung pagsaksak ko sa kaniya hindi naman 'yun pang ano talaga kasi sa sayawan 'yun eh. Pinag-tripan din nila ako eh kasi pauwi na rin ako ng bahay," sabi pa ng suspek tungkol naman sa pananaksak niya sa Northern Samar. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News