Sa kulungan ang bagsak ng apat na lalaki matapos nilang pagtulungan umanong gahasain ang isang 17-anyos na dalagita sa Binondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente nitong nakaraang linggo kung saan ang isa sa mga suspek, kaibigan pa ng biktima.

Base sa kuwento ng dalagita, niyaya siya ng kaibigan na sumama sa bahay ng kaniyang pinsan na nagdiriwang ng kaniyang kaarawan noon.

Doon nilasing umano ng mga suspek ang dalagita.

"Noong nahila na po ako, sinubukan kong tumayo, kaso 'yung katawan ko talagang bumibigay na. Bigla po akong hinila ng kaibigan ko papunta po roon sa itaas doon sa may kuwarto. Tapos doon niya po ginawa 'yung pang-aano po sa akin," sabi ng biktima.

Hanggang sa marinig ng mga pinsan ng suspek ang iyak ng biktima. Ngunit sa halip na tulungan ito, sunod-sunod din umano siyang ginahasa ng mga ito.

Makalipas nito, muling nilasing ang dalagita at sabay-sabay na ginahasa ng mga suspek.

"Noong nalasing po ako, doon po nila ako pinagsabay-sabay na galawin. Gusto ko pong sumigaw kaso wala pong lumalabas sa bibig ko kundi puro iyak lang po. Nagmamakaawa po ako sa kanila kaso dinedma lang po nila ako. Ngumiti lang sila sa akin," sabi ng dalagita.

Nang makatulog ang mga suspek, sinamantala ng biktima para makalabas ng bahay.

Dumiretso siya sa kaniyang nobyo at ikinuwento ang nangyari, bago sila humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Agad nadakip ang apat na suspek kung saan dalawa sa kanila ay mga menor de edad.

Sinabi ng ina ng biktima na posibleng pinagplanuhan ang ginawa sa kaniyang anak.

"Sinamantala nila na walang kasama 'yung anak ko, tapos sila-sila lang. As in pinagplanuhan, pinilit painumin," sabi ng ina ng bata.

Nasa kustodiya na ng Delpan Police Station ang dalawa sa mga suspek na sinampahan na ng reklamong rape. Dinala naman sa DSWD ang dalawa pa.

"Hindi po totoo 'yun, sir. Sa korte na lang po kami magpapaliwanag," sabi ng isang suspek.

Sinusuri naman ng pulisya kung may mga previous criminal record ang mga suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News