Binuntutan, binangga at binomba ng tubig ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) at kanilang mga militia vessel ang nag-iisang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Sanday sa West Philippines Sea.
Sa ulat ni Ian Cruz ng GMA Integrated News nitong Linggo, sinabing nangyari ang insidente habang papunta ang BRP Datu Sanday sa Escoda Shoal upang maghatid ng tulong sa mga mangingisdang Pinoy doon.
Kitang-kita sa video ang ginawang pagbangga ng isang CCG ship sa BRP Datu Sanday, na bahagyang nagtamo ng pinsala. Palitan ding binomba ng dalawang barko ng CCG ang barko ng BFAR at makiharang din ang mga militia vessels ng China.
Ayon sa ulat ni Cruz, nasa limang beses na binangga ng barko ng CCG ang BRP Datu Sanday.
Pinuntirya rin ng bomba ng tubig ang navigational equipment ng barko ng BFAR.
Sa isang pahayag, sinabi ng CCG na ilegal umanong pumasok sa kanilang teritoryo ang BRP Datu Sanday at nagsagawa ng “dangerous manner.”
“The China Coast Guard took control measures against the Philippines vessel involved in the incident in accordance with law and regulations,” ayonsa CCG.
Iniulat pa ng China state broadcaster CCTV na may Pinoy umano na nahulog sa dagat at kanilang sinagip "[b]ased on humanitarian principles."
"We warn the Philippine side to immediately stop the infringement, otherwise the Philippine side will bear all the consequences arising therefrom," ayon sa ulat ng China.
Pero tinawag ng Philippine National Security Council (NSC) na “completely unfounded” at "fake news" ang mga sinabi ng China.
“This fake news and misinformation serves as a clear illustration of the People’s Republic of China’s willingness to distort the truth and engage in disinformation to bolster its public image,” ayon sa NSC.
“The Philippine government calls on the People’s Republic of China to halt these provocative actions that destabilize regional peace and security. The Philippines remains steadfast in asserting its rights in accordance with the United Nations Conventions on the Law of the Sea and the 2016 Arbitral Award.,” giit nito.
Patungo umano ang BRP Datu Sanday sa isang humanitarian mission mula sa Hasa-Hasa Shoal upang maghatid ng diesel, pagkain at medical supplies sa mga mangingisdang Pinoy sa Escoda Shoal .
Nakapuwesto ang Hasa-Hasa Shoal sa layong 60 nautical miles mula sa Palawan.
Ayon sa NSC, dahil sa ginawa ng walong Chinese vessels, nagkaroon ng problema sa makina ng BRP Datu Sanday at kinailangang huwag nang ituloy ang humanitarian operation.
“These unprofessional, aggressive, and illegal actions posed serious risks to the safety of the Filipino crew and the fishermen they were meant to serve,” saad ng NSC.
Idinagdag ng NSC na ligtas ang lahat ng sakay ng BRP Datu Sanday, kabilang ang mga mamamayag.
Muli namang kinondena ng US at European Union ang ginawa ng China.
"Unsafe, unlawful, and aggressive conduct by the PRC disrupted a legal [Philippine] mission, endangering lives—the latest in multiple dangerous actions by the PRC. We are steadfast in supporting our [Philippine friends, partners, allies],” ayon kay US Ambassador MaryKay Carlson, habang tinawag ni EU Ambassador Luc Veron na "disturbing" ang ginawa ng mga barko ng China.
“The EU trusts that respect for international law including UNCLOS is essential in the South China Sea as anywhere else,” anang opisyal.
Kamakailan lang, dalawang barko ng Philippine Coast Guard ang binangga ng mga barko ng CCG, na nagresulta para mabutas ang isang barko ng Pilipinas.
Ang barko ng CCG na bumutas sa barko ng PCG ang siya ring bumangga sa barko ng BFAR, ayon kay Cruz.
Ang Escoda Shoal, na kilala rin bilang Sabina Shoal, ay nakapaloob sa 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea.
Nakapuwesto ito sa layong 75 nautical miles o tinatayang 140 kilometers mula sa Palawan.— FRJ, GMA Integrated News